Bumisita noong araw ng Sabado, ika-14 ng Enero ang sa isinagawang Special Satelite Voters Registration sa Barangay Concepcion sa lungsod ng Puerto Princesa ang COMELEC Chairman na si Atty. George Erwin Garcia kasama ang tatlo pang commissioners mula sa kanilang ahensya.
Ayon kay Garcia, sinadya nilang puntahan ang mga malalayong lugar upang ipakita at ipadama sa taong bayan higit sa mga katutubo ang kahalagahan ng pagpapa-rehistro para eleksiyon.
“Dapat talaga ang pagpunta namin dito sa Puerto Princesa ay mamaya pang hapon hanggang bukas sana dahil dapat kaninang umaga tayo ay nasa Kalayaan Municipality, kaya lamang nagbigyan tayo ng payo ng ating Philippine Air Force na ipagpaliban na muna ang pagpunta sa Kalayaan dahil sa may inaayos pa sila,” ani Garcia.
“Kaya naman minarapat natin na pumunta nalang kaagad dito sa Puerto Princesa upang makasama at makasalamuha natin ang mga kababayan natin na IPs na nagpaparehistro, kasi gusto rin natin na ipakita sa ating mga kababayan kung bakit kami pumupunta dito sa Puerto Princesa at sa buong Palawan. Na ang COMELEC, dinadala ang registration sa kahit sa malalayong lugar,” dagdag ni Garcia.
Maliban sa lungsod ng Puerto Princesa ay kanila ring nakatakdang puntahan ang Sulu, Tawi-Tawi, at Batanes.
“Ang ating pong schedule, Kalayaan tapos Puerto Princesa, hopefully po by next week kami po ay pupunta sa Sulu pagkatapos sa Tawi Tawi at Batanes,” ani Garcia.
“Ang COMELEC ay willing pumunta sa kahit na malalayong lugar, in fact, dito para sa kaalaman ng lahat, pinaplano na ngayon ng COMELEC, matapos natin makita ang mga kababayan natin na mga katutubo na mismong mga dapat na presinto ay dinadala rin doon sa barangay kung saan doon mismo sa lugar kung saan sila. Kung may mga eskuwealahan man doon, upang doon na mismo silang boboto upang hindi na sila bababa pa dito,” dagdag niya.
Hinihimok din nito na sana ang lahat ng hindi pa nakakapagpa rehistro ay makapagpa-rehistro sa ilang araw pang natitira.
“Sana naman sa lahat ng natitirang araw na puwede magparehistro, hanggang January 31, samantalahin ang pagpaparehistro at hindi ‘yung pipila at makipag siksikan doon sa pila,” ayon kay Garcia.
Nangako din ang kinatawan ng COMELEC sa taong bayan na magiging bukas ang kanilang opisina upang makita o malaman ng mga publiko ang kanilang ginagawang trabaho sa paglilingkod sa bayan.
“Lahat ng proseso ng COMELEC dapat nalalaman kahit po ‘yung aming procurement kahit tingnan po ninyo naka-live stream po ‘yan kahit po pag imprenta ng baluta naka-live stream po lagi. Ang instructions natin ay sasabihin ng spokeperson kung ano ang tunay na nangyayari, pangit man ‘yan o maganda dapat sasabihin,” ani Garcia.
Discussion about this post