Tinanghal na kampeon sa kauna-unahang Palawan Rescue Olympics na isinagawa noong ika-20 ng Setyembre sa lungsod ng Puerto Princesa ang mga kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng bayan ng Roxas matapos nitong magkamit ng markang 80.91% mula sa mga huradong nagmula sa iba’t ibang ahensyang kaagapay ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsagip ng buhay tuwing panahon ng sakuna.
Maliban sa pagiging kampeon ay nakamit din ng MDRRMO-Roxas ang iba pang special awards tulad ng Best in Life Saving, Best in Bandaging, Best in Cardiopulmonary Resuscitation (CPR), at Best in Emergency Childbirth. Sila ay tumanggap ng salaping gantimpala na Php 20,000.
Samantala, nakamit naman ng MDRRMO-Rizal ang ikalawang pwesto at ang Best in CPR at Best in Spinal Injury Management. Ang naturang grupo ay tumanggap ng Php 15,000.
Tinanghal naman sa ikatlong puwesto ang MDRRMO-Narra at ang parangal para sa Best in Life Saving, Best in High Angle Rescue, at Best in Spinal Injury Management. Sila ay nagkamit ng salaping gantimpala na Php 10,000.
Sa mensaheng ibinahagi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeremias Y. Alili, hinamon niya ang mga MDRRMO na mas pagbutihin pa ang pagseserbisyo sa mga Palaweño at sabayan ang pag-unlad ng lalawigan. Aniya, kasabay ng mabilis na pag-unlad ng lalawigan ay mas tumataas din ang mga risk na maaaring maranasan dito kung kaya’t dapat ay mag-upgrade din umano ang mga MDRRMO.
Inaasahang sa mga susunod na pagkakataon ay mas marami nang MDRRMO at iba pang mga ahensya ang makikilahok sa Rescue Olympics na ang pangunahing layunin ay masukat ang antas at kapabilidad ng mga MDRRMO at mga response unit pagdating sa pagsasagip ng buhay. (PIO PR)
Discussion about this post