Isang malaking agam-agam ang bumabalot sa Santa Teresita, Dumaran, Palawan matapos mawala noong Linggo, Mayo 28, ang tatlong magkakapatid na sina Rodel, Reniel at Romel Donan, na may edad na 12, 10, at 8. Ang mga ito ay pinangangambahang tinangay ng isang hindi kilalang tindera ng isda.
Ayon kay Jonalyn Donan Mabbun, tiyahin ng mga bata, noong Linggo, Mayo 28, bandang tanghali ay umalis ang tatlong bata sa kanilang tahanan at hindi umano nagpaalam sa kanilang Lola.
Mula noon, hindi na sila nagpakita at hindi rin natagpuan ang anumang tanda o impormasyon tungkol sa kanilang kinaroroonan.
Ang mga magulang ng mga batang nawawala ay nasa Barangay Tanabag, Puerto Princesa noong Linggo upang maghanap-buhay.
Nang makauwi ang mga ito at nalaman ang pagkawala ng mga bata ay lubos na nag-aalala ang mga ito at agad na nag-umpisa sa paghahanap.
Ang lokal na kapulisan at iba pang mga kamag-anak ay naglunsad na rin ng paghahanap sa barangay upang matukoy ang kinaroroonan ng mga bata.
Sa kanilang pagtatanong, ayon kay Jonalyn, ay may isang residenteng nakapag-sabi umano sa ina ng mga bata na nadaanan umano ang tatlong magkakapatid at pinasakay sa sasakyan ng isang babaeng tindera ng isda sa kalapit na lugar.
“May nakapagsabing nadaanan at pinasakay sila ng isang babaeng nagtitinda ng mga isda or daing, at ito ay kanilang kinuha or dinala ang mga bata. Mismong ang nakakuha sa mga bata ang nag kuwento sa isang tao na napagtanungan ng kapatid ko. Ang problema po ngayon, ay hindi na mahanap ang babaeng ‘yun na kumuha sa mga bata. Balita din po na no permanent address ‘yun,” ani Jonalyn.
Ang pagkawala ng magkakapatid ay nagdulot ng malaking tensiyon at pangamba sa komunidad. Ang mga magulang at kamag-anak ng mga batang nawawala ay patuloy na umaasang mababalik ang kanilang mga anak nang ligtas at mabuti.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasagawa ng mga imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang katotohanan sa likod ng pagkawala ng mga batang lalaki. Ang komunidad ay nagdarasal at nananatiling nakaabang sa anumang impormasyon o balita na maaaring makatulong sa paghahanap at pagbabalik ng tatlong magkakapatid.
Kung sinoman ang nakakita o nakapansin sa tatlong batang nasa larawan, mangyaring mag-iwan ng mensahe sa Palawan Daily o tumawag/magtext sa aming public service hotline number 09155430945.
Discussion about this post