Nakatakdang ipatawag ang kinatawan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP)- Palawan sa committee hearing ng Committee on Indigenous and Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) ng Sangguniang Panlalawigan.
Ito ay matapos ang magreklamo ang Tribong Cuyunon hinggil sa hindi agarang pagbibigay aksiyon ng NCIP sa kanilang kahilingan ukol sa validation ng “Gabay” o IPs Political Structure, na siyang nagsisilbing bibliya ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) sa buong Palawan.
Ang Tribong Cuyunon, na isa sa mga pangunahing katutubo sa lalawigan ng Palawan, ay nagpahayag ng kanilang pagkabahala sa tanggapan ni Board Member Winston Arzaga dahil sa patuloy na pagkaantala ng NCIP sa pagsasagawa ng validation ng “Gabay.”
Ang “Gabay” ay isang kritikal na dokumento na naglalaman ng patakaran at mga proseso ng pamamahala ng IPMR, na kinikilala bilang opisyal na kinatawan ng mga katutubo sa mga pampublikong halalan.
Itinururing ito bilang isang mahalagang kasangkapan para sa mga katutubo sa pagpapalakas ng kanilang pamayanan at pagpapanatili ng kanilang kultura at karapatan. Ito rin ang nagbibigay ng malinaw na mga patnubay sa pagpili ng tamang kinatawan ng IPMR, na naglalayong maging boses ng mga katutubo sa mga lokal na pamahalaan.
Ayon sa privilege speech ni Arzaga sa naganap na regular session kahapon, Hunyo 27, sinabi ng tribu na matagal nang hinihiling ang pagpapatupad ng validation ng “Gabay” mula sa NCIP. Gayunman, ayon sa tribu, wala pang konkretong aksiyon na naganap mula sa NCIP upang tuparin ang kanilang hiling.
“I received an urgent request from one of the leaders of Tribong Cuyunon or Cuyunon Indigenous Peoples Community. Their complaint is that they have been writing the NCIP for about 4 times asking for the immediate validation of their Gabay or IPs Political Structure,” ani Arzaga.
Sa pamamagitan ng pagpatawag sa committee hearing ng Committee on ICCs/IPs, inaasahang mabibigyang-linaw ang mga suliranin at maipapahayag ang saloobin ng lahat ng panig. Sa naturang pagdinig, inaasahang mabibigyang-daan ang mga katutubong grupo na mailahad ang kanilang hinaing at magbahagi ng kanilang mga pananaw at mapakinggan ang magiging pagpapaliwanag ni NCIP Provincial Director Atty. Jansen l. Jontilla.
Bilang ahensya na responsable sa pagpapanatili at pagtataguyod ng mga karapatan ng mga katutubo, ang NCIP ay inaasahang maglalahad ng kanilang mga plano at hakbang na kanilang isasagawa upang matugunan ang mga hinaing ng Tribong Cuyunon.
Discussion about this post