Kinompirma ngayong araw ni Municipal Administrator Dyoneseus “Jun” Santos sa Palawan Daily News na tatanggalin niya na si Vice Mayor Crispin Lumba sa listahan ng mga taong iimbestigahan ukol sa kontrobersiyal na biglaang paghinto ng pamimili ng face mask ng MDRRMO ng bayan.
Ito ay matapos dumating at kunin ngayong araw ni Lumba ang 30,000 face masks na inangkat ng bise-alkalde sa isang supplier mula Cavite.
“Narinig niyo naman diba ýung ano ko sakanya, na kung mailabas niya ýan, automatic i-exonerate ko siya,”ani ni Santos.
Dumating ngayong araw mula sa Cavite ang 30,000 face masks na inangkat sa isang supplier nangangalang Kleo Marro na naka-base sa Cavite.
Sa panayam ng Palawan Daily News kay Lumba, nilinaw ng bise-alkalde na ang mga ipinambayad sa face masks ay hindi nanggaling mula sa local government unit (LGU) ng Narra o nagmula sa pondo ng MDRRMO.
Ayon kay Lumba, ito ay personal na transaksiyon na kanyang ginawa kaakibat ang lahat ng bise-mayor ng lalawigan mula sa 23 munisipyo ng Palawan, kung kaya’t kanilang paghahati-hatian ang mga ito ng walang labis at kulang.
“At least napatunayan ko na talagang ngayon lang dumating ang mga face mask na ‘to. Sa mga kababayan ko, 30,000 na face masks ito, paghahatian ng lahat ng bise-mayor ng ating lalawigan upang ipamahagi naman sa kanya-kanyang constituents,” giit ni Lumba.
“Ang ibinili nito ay liban sa sariling pera ni Vice Mayor Lumba ay sa pondo rin ng VMLP (Vice Mayors League Palawan) Palawan Chapter. Ito ang patunay na ang inyong bise-mayor ay hindi ginawang hanap-buhay ang pag-purchase ng facemask diyan sa atin. Wala ni pisong pera ang nanggaling sa lokal na pamahalaan ng Narra na ipinambayad sa mga face masks na ito, ”dagdag niya.
Nang tanongin ng Palawan Daily News kung bakit kinailangan pang mag-angkat mula sa labas ang bise-alkalde bagaman marami namang lokal na supplier na gumagawa nito sa kanilang bayan, iginiit niya na siya ay nauna ng nag-anunsiyo sa munisipyo na kailangan ng MDRRMO ng 35,000 na face masks na napunan naman ng lokal na suppliers at nakumpleto noong ika -2 ng buwan na ito.
“Nag-order na tayo sa kanila. Kaya nga ýung 35,000 (face mask) as of April 2 na andoon naka-stock sa MDRRMO, galing ýun sa mga kababayan natin,” ani ni Lumba.
Kanya ding ipinaalam na kung naipaabot lang sana ng mga lokal na supplier ng naturang bayan na marami pa sa kanilang mga ginawang facemasks ay hindi pa nabili ng LGU dahil sa kadahilanang naabot na ng lokal na MDRRMO ang bilang ng target na facemasks, ito sana ay napag-usapan nila sa Sangguniang Bayan upang masolusyonan.
“Ngayon kung ang nirereklamo nila is ýung mga nagawa nila na hindi pa nabili dahil umabot na sa quota ang MDRRMO, kung naipaabot lang ýun sa IETF o sa Sangguniang Bayan, puwede naman ýung pag-usapan upang masolusyunan,”giit ni Lumba.
“Kung hindi lang sana sila nagpa-media agad at nagpa-interview si Mr. Jun Santos na kesyo ýung inorder ko galing Cavite ay ýun na ýung binili o binayaran ng MDRRMO at ýun na ýung mga face masks na nasa MDRRMO ngayon, ay sana wala itong problema. Madali lang ‘yun gawan ng solusyon, puwede naman ýun bilhin ng ating lokal na pamahalaan,” dagdag niya.
Nang tanungin ng Palawan Daily News si Lumba kung ano ang susunod na plano nito matapos madawit ang pangalan sa itinuturong anomalya ng administrasyon, sinabi nito na siya muna ay kasalukuyang magfo-focus sa krisis na kinakaharap ng kanilang bayan sa ngayon, bagaman binanggit din nito na siya ay makikipag-usap sa kanyang legal adviser.
“Mag-uusap pa kami ng ating legal officer kasi totoo ýun, damage has been done. Nasira talaga ýung pagkatao ko,” ani ni Lumba.
Ang 30,000 face masks ay kanilang ire-repack at ipadadala sa 23 munisipyo bukas, ika-7 ng Abril.
Samantala, ayon naman kay Santos, bagaman tanggal na sa imbestigasyon si Lumba, tuloy pa rin ang ginagawa nilang imbestigasyon sa mga taong dawit sa bilihan ng face masks sa munisipyo, kabilang na dito ang dating MDRRMO Head na si Raymund dela Rosa gayun din ang lahat ng lokal na supplier ng face mask na nakipag-transaksiyon sa munisipyo.
Discussion about this post