Dumating na sa lalawigan ng Palawan ang mga Personal Protective Equipment (PPEs) at ang iba pang mga medical supplies na binili ng Pamahalaang Panlalawigan upang ipamamahagi sa mga health worker sa iba’t ibang ospital sa lalawigan.
Sa post ni Gov. Jose C. Alvarez (JCA) sa kanyang social media account kahapon, Abril 5 na nagpapakita ng mga larawang kuha sa kanyang area sa Pandaigdigang Paliparan sa lungsod, may caption itong “First of three trips hauling of meds and frontliners’ PPEs via Kodiak Plane.”
Ayon naman kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Jerry Alili sa pamamagitan ng post ng Provincial Information Office (PIO), natanggap na ng kanilang tanggapan ang mga PPEs at iba pang medical supplies na binili ng Provincial Government upang labanan ang Corona Virus Disease 2019 (COVID-19).
Upang mapabilis umano ang transportasyon ng nabanggit na mga medical supplies ay pinagamit mismo ni Palawan Gov. Jose C. Alvarez (JCA) ang kanyang sariling mga eroplano.
Ayon pa sa PIO, ang mga dumating noong Linggo ang unang batch ng mga aytem at ngayong araw naman, Abril 6 ang inaasahang pagdating ng dalawang pang batch ng delivery ng mga PPEs at iba pang aytem.
Discussion about this post