Sa temang “Kumain ng Wasto at Maging Aktibo…Push Natin ‘to!” ay matagumpay na isinakatuparan ang paglulunsad ng Buwan ng Nutrisyon sa rehiyon ng MIMAROPA ngayon taon sa munisipyo ng Mogpog, lalawigan ng Marinduque noong ika- 3 ng Hulyo, sa pangunguna ng National Nutrition Council (NNC) MIMAROPA.
Sa pagbubukas ng programa ay aktibong nakilahok ang mga nutrition stakeholders mula sa mga lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at lalawigan ng Palawan. Kabilang sa mga nagsidalo ang mga Barangay Nutrition Scholars (BNS), Provincial Nutrition Action Officers (PNAO) gayundin ang mga Munuicipal Nutrition Action Officers (MNAO) sa rehiyong MIMAROPA.
Ang delegasyon ng Palawan ay pinangunahan ni PNAO Rachel Paladan mula sa Provincial Nutrition Office (PNO). Kasama rin sina Gng. Ma. Anna Calapardo, G. Cyrus Kim. Claridad na pawang mga kawani ng Provincial Information Office (PIO), Gudulah Sarsagat ng Radyo Pilipinas at G. Edgardo Javarez ng DYSP Super Radyo bilang mga miyembro ng Palawan, Romblon, Oriental Mindoro, Marinduque, Occidental Mindoro – Nutrition Communicators o (PROMO Nutri- Com) na isang organisasyon na binubo ng NNC upang maging katuwang sa pagpapalawak ng tama at wastong impormasyon sa pamamagitan ng malayang pamamahayag.
Samantala, iba’t ibang aktibidades rin ang matagumpay na naisakaturapan bilang bahagi ng programa kabilang na dito ang Fun Bike at Fun Walk , Zumda Dance Exercise at iba pang indoor activities. Dagdag pa rito, nagbahagi rin ng lectures patungkol sa wastong pangangalaga ng kalusugan ang NNC- MIMAROPA sa pangunguna ni Bb. Carina Z. Sanatiago, Regional Nutrition Program Coordinator.
Sa ikalawang araw ay isinagawa naman ang Nutrition Caravan para sa lalawigan ng Marinduque kung saan ay ibinida nito ang kanilang mga magagandang mga programa para sa nutrisyon kabilang na ang mga interbensyon ng kanilang lokal na pamahalaan upang maibaba ang porsyento ng malnutrisyon sa kanilang lugar tulad na lamang ng food processing ng mga pagkaing masustansya para sa mga bata at iba pa. Isa rin ito sa mga dahilan kung kaya’t palagiang kinikilala ang kanilang pamahalaang lokal sa magandang implementasyon ng programa sa nutrisyon.
Samantala, labis naman ang pasasalamat na ipinaabot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque sa pangunguna ni Gob. Presbitero J. Velasco , Jr. sa lahat ng mga dumalo sa naturang gawain lalo’t higit iyong nagmula pa sa ibang lalawigan sa rehiyong MIMAROPA dahil ang lalawigan ng Marinduque ang napiling pagdausan ng paglulunsad ng Regional Nutrition Month ngayong taon na tinagurian namang “The Heart of the Philippines” .
Discussion about this post