SAN JOSE, OCCIDENTAL MINDORO —Tumanggap ng sahod ngayong araw mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang 235 magaaral, pawang mga benepisyaryo ng Special Program for the Employment of Students (SPES) ng nabanggit na ahensya.
Ayon kay Rolando Ladao III, Labor and Employment Officer ng DOLE Occidental Mindoro, bagama’t prayoridad ng programa ang mga magaaral na kabilang sa mahihirap na pamilya, bukas din ang SPES sa mga out-of-school youth at mga anak ng mga magulang na nawalan ng hanapbuhay.
Paliwanag ni Ladao, katuwang ng DOLE sa programang ito ang ilang pribadong kumpanya, paaralan at lokal na pamahalaan (LGU). Pinagtutulungan aniya ng mga naturang tanggapan ang ibinibigay na sahod sa mga benepisyaryo.
“Kuwarenta porsiyento ay magmumula sa DOLE samantalang 60 porsiyento ang sa partner,” saad ni Ladao. Paalala pa ng kawani ng DOLE sa mga interesado sa SPES, na makipagugnayan sa kanilang tanggapan o sa mga Public Employment Service Office (PESO) ng bawat bayan at lalawigan.
Matatagpuan ang tanggapan ng DOLE Occidental Mindoro sa 2nd Floor Gessnec Building, Rizal St, San Jose. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)
Discussion about this post