“Patuloy po nating pinagdarasal na matagpuang ligtas ang mga kababayan nating mangingisda na kasalukuyan pa ring nawawala matapos mabangga sa karagatan ng Occidental Mindoro at mapalubog ng dayuhang barko habang sila ay nangingisda at naghahanap-buhay.
Nananawagan po tayo sa mga kinauukulan sa pangunguna ng Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na paigtingin ang paghahanap sa mga kaawa-awa nating kababayan na hindi pa rin natatagpuan.
Nakikiusap din po tayo sa mga kababayan natin sa baybayin na malapit sa pinangyarihan ng insidente na tulungan ang mga naghahanap sa mga nawawala at pansamantalang kupkupin ang mga mapapadpad sa kanilang lugar.
Umaasa po tayo na pananagutin ng mga kinauukulan ang mga may sala sa sakunang ito na maaring mag-iwan ng mauulilang mga pamilya. Mabigyan nawa ng hustisya ang mga biktima at magkaroon ng proteksyon ang mga maliliit na mangingisda upang hindi na po maulit ang ganitong pangyayari.
Hinihiling din po natin ang pakikipg-ugnayan ng Department of Foreign Affairs sa mga kinauukulan ng Hong Kong na kung saan napabalitang rehistrado ang dayuhang barkong nakabangga upang mabigyan ng tulong ang mga pamilyang naghihintay sa kanilang mga mahal sa buhay.”
Rep. Franz E. Alvarez
Representative, 1st District, Province of Palawan
30 June 2020
Discussion about this post