PUERTO PRINCESA CITY — Puspusan ang ginagawang Mass Blood Donation ng Philippine Red Cross (PRC)- Palawan Chapter upang maabot ang 9,000 units na target ngayong taon.
Dahil dito, pinupursige ng PRC ang pakikipagtulungan sa mga pribadong grupo o kompanya at panghihikayat sa mga indibiduwal na makilahok o maglunsad ng blood donation.
Sa nakalipas na 2017, umabot sa 8,000 units ang kanilang koleksiyon subalit hindi aniya ito sapat para sa tumataas na pangangailangan.
“Lumalaki kasi ang demand natin dahil sa paglaki din ng populasyon ng Palawan, tapos dumarami pa ang mga facilities na nag-cater ng mga cases katulad ng cancer at mga dina-dialysis, so, hindi talaga sasapat,” sinabi ni Agnes Tabinga, kinatawan ng PRC-Palawan, sa ginanap na Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA).
“May gap [kakulangan] nga tayo ngayon na 10-15 percent dahil sa laki ng demand,” dagdag pa ni Tabinga.
Hangad din ng PRC na masunod ng lubusan ang guidelines ng Department of Health (DOH) na “zero replacement” lalo na sa mga pampublikong ospital. Ibig sabihin hindi na kailangan maghanap ng blood donor ang pasyente para maibalik ang kinuhang dugo sa Red Cross blood center.
“Naipatutupad na rin naman natin ito lalo na sa Ospital ng Palawan, pero hinihikayat natin iyong mga taga rito lang sa Puerto Princesa na kusang mag-donate ng kanilang dugo para mapunan ang mga nagamit na,”dagdag pa nito.
Bilang pagsusumikap na mapaangat ang koleksiyon ng dugo, inaabot na rin ng mass blood donation ng PRC ang malalayong bayan maging ang mga island municipalities.
Kaugnay ng pagdiriwang ng Blood Donor’s Month, magsasagawa ng blood donation ang PRC sa darating na ika-28 ng Hulyo at hangad makalikom ng 300 units.
Samantala, mas pinagaan na rin sa ngayon ayon kay Tabinga ang pagkuha ng dugo sa kanilang blood station dahil sa pagitan na ng ospital at PRC ang transaksiyon. Aniya, hindi na kinakailangan pang pumila ng mga kaanak ng pasyente sa kanilang opisina sapagkat ang sila na mismo nagdadala sa pagamutan. (SB/PDN)
Discussion about this post