Dead on the spot ang driver ng Nissan Navara 2.5L, pick-up sa aksidenteng naganap nitong November 23, 2021 sa National Highway, Barangay 4, Roxas Palawan.
Kinilala ang biktima na si John Lenon Jusos Arevalo, 18 anyos, empleyado ng DITO TelCom at nakabase sa Taytay, Palawan, at residente sa Brgy. Mandaragat, Puerto Princesa City. Sugatan naman ang sakay nitong kinilalang si, Lyra Joy D. Maligsay, 24 anyos, dalaga at Project Engineer ng DITO TelCom-Palawan Branch, at residente sa Pangasinan City.
Ayon sa report ng Palawan Provincial Police Office, naganap ang aksidente habang binabagtas ni Arevalo ang Diversion Road ng Purok Pag-asa, National Highway, Brgy. 4, Roxas, mula Taytay at patungo sana sa Lungsod ng Puerto Princesa. Dahil pababa ang kalsada, lumihis sa kabilang linya ang sasakyan dahilan upang mahulog ito sa bangin.
Naisugod pa sa pagamutan ang driver ngunit idineklara na itong patay ng sumuring doctor habang ang sakay nito ay nagtamo ng sugat sa ibat ibang parte sa katawan.
Patuloy na iniimbestigahan ng PNP ang aksidente.
Discussion about this post