Sinagot ni former Narra Mayor Lucena Demaala ang mga alegasyon laban sa kanya at sa kanyang administrasyon kaugnay sa P94 million na umano’y buwis ng isang minahan pero hindi nai-turn over sa kasalukuyang administrasyon ng bayan.
Kasunod ito ng paglabas ng balita sa isang media company na mabilis namang kumalat sa social media na nagresulta umano ng pambabatikos sa dating alkalde ng Narra kung saan nadadamay pa ang kanyang buong pamilya.
Sa panayam ng Palawan Daily kay Demaala, mariin nitong pinabulaanan na may natanggap itong pera mula sa Citinickel Mines and Development Corporation at ipinaliwanag nito ng buo ang istorya.
Ayon sa dating Mayor ng Narra, wala siyang natanggap na pera mula sa sinisingil na buwis ng nababanggit na mining company dahil sa nakakuha ito ng Certificate of Registration mula sa Board of Investments. Ibig anyang sabihin, hindi na ito kailangan pang singilin o magbayad ng 2% local tax mula sa gross sales nito.
“Wala akong iti-turn over na P94 million dahil hindi subject sa local tax ang 2% sa annual gross sales ng Citinickel dahil sa tax incentives at tax holiday na galing sa Board of investments from National Government as BOI registered company. Ito ay binibigay ng BOI sa mga kumpanya gaya ng pioneering companies like Citinickel to generate employment at investment sa mga local communities,” paliwanag ni Demaala sa panayam ng Palawan Daily.
“Masyado itong malicious e, parang sinisiraan nila ako ng husto dito sa sinasabi nila. May record… tama, siningil ko sila ng 2015. I sent a letter, ang aking tresurero nagpadala ng sulat sa Citinickel at sumagot ang Citinickel na wala silang utang sa munisipyo dahil sila ay listed under the Board of Investment ng DTI. After that, hindi ko na pinursue ‘yun dahil nakita ko naman, nabasa ko naman at ako mismo bilang mayor, pag nakita ko na BOI, Mayor’r Pemit lang pero ang 2%, hindi ko na masingil ‘yan,” dagdag ng dating alkalde.
Sa kopya ng mga dokumento na nakuha ng Palawan Daily, October 14, 2015 nang magpadala ng sulat ang Office of the Municipal Treasurer ng Narra sa Citinickel kung saan sinisingil ito ng local tax.
November 23, 2015 nang sumagot ang kompanya ng minahan kung saan nakasaad na ang Citinickel ay kabilang sa listahan ng mga BOI-registered business. Ibig sabihin, mayroon itong tax holiday at pinuntong ang kompanya pa ang dapat makakuha ng refund mula sa lokal na pamahalaan ng Narra. Dahil dito, matapos matanggap ang liham mula sa minahan, hindi na siningil pa ng dating administrasyon ang Citinickel para sa local tax nito.
Ang isyung ito rin at ang P94 million na unang sinisingil sana ng dating administrasyon sa bayan ng Narra ang hinahanap at sinasabi ni Mayor Gerandy Danao sa ipinatawag nitong press conference noong May 27 na hindi nai-turn over sa kanya.
“Bakit ko iti-turn over sa kanya [Danao]? Kung nagbayad man, hindi kay mayor nagbabayad ‘yun. Kahit isang piso lang, ini-isyuhan ito ng treasurer’s office. Kapag nagbabayad ‘yan, hindi kay mayor, darating na lang sa akin, for signature ko nalang,” ani Demaala.
Nagtataka din umano si Demaala kung bakit biglang napunta sa kanya ang usapin matapos sampahan ng kaso si Danao ng Sangguniang Bayan ng Narra. Dahil anya dito ay apektado ang kanyang buong pamilya dahil nasisira ang kanilang pangalan sa isyung wala naman anyang basehan.
“Yun nga ang ipinagtataka ko kasi noong March 2, may lumabas na article [Tribune.Net.Ph] at sinasabi n’ya [Danao] na bahala na ang korte. Bakit mo ako pipilitin ngayon na bakit hindi ko tinurn over na ikaw mismo ang nag ano dito sa interview. Alam n’ya dahil this is March 2 at ang press con n’ya [Danao] is May 27. Paano n’ya palabasin ‘yan, may kinurap ako na P94 million? Masakit ito kasi sa aking mga anak, nagre-react sa akin ang aking mga pamangkin, ang aking mga kamag-anak dito sa lumabas na ito,” giit nito.
“Kung anu-ano ang natatanggap namin na masasama na kurakot, masama, magnanakaw. Ano ang implication nun sa makakabasa,” dagdag ni Demaala.
Nang tanungin naman ang dating alkalde kung ano sa palagay nito ang dahilan sa paglabas ng balitang ito kung saan nadadamay ang kanyang pangalan, ito ang naging sagot ni former Mayor Lucena Demaala: “This is highly libelous, sinisira n’ya ako talaga. Ako, ano ang pakialam ko sa kaso sa inyo ng Sangguniang Bayan. Ang pinaghihinalaan nila, ako. Ako ba ang magpa-profit kung matanggal s’ya? Hindi ako ang makikinabang kung s’ya ay ma-suspend.”
Dahil sa mga nagyari, pinag-aaralan na ngayon ng kampo ni Demaala ang planong pagsasampa ng kaso bunsod ng pagkakadawit sa kanyang pangalan sa isyung wala naman anyang basehan.
“Ko-konsulta ako sa aking mga abogado at kausap ko narin ang isa kong abogado. This is highly libelous kaya magpa-file ako kasi masyado kaming na-damage e.”
Nang tanungin kung ano ang nais nitong iparating kay Mayor Danao, sagot ni Demaala: “Dati mo ‘yan silang mga kasama at nang umupo ka, all out support ang Sangguniang Bayan sa iyo para sa bayan. Pero ikaw ang gumawa ng pagkakataon na lumayo dahil nakita nila na hindi magandang nangyayari sa loob n gating bayan… sa ating munisipyo. Ayusin mo ang trabaho mo para ikaw ay tumagal pero ‘wag mo ibibintang sa akin na ako ang nasa likod dahil hindi ako ang uupo kung sakaling ma-suspend ka.”
At para naman sa kanyang mga kababayan sa bayan ng Narra, batid naman anya nang lahat na marami siyang nagawa sa mahabang panahon na kanyang panunungkulan at ito ay kasalukuyan paring napapakinabangan ng lahat.
“Hinawakan ko ng maayos ang pananalapi ng bayan ng Narra. Nung mag-exit ako, nag-iwan ako sa inyo ng P295 million cash on bank. Pero pag kayo lumapit, sinasabi nila na walang pera at inubos ni Mayor Demaala. Hindi ko kayo pinabayaan. Hindi ako nagnakaw, hindi ako nagurakot at alam ng taga loob ng munisipyo ‘yan. Huwag kayong maniwala lalong-lalo na sa social media na sinasabing magnanakaw si Mayor Demaala. I did my best, nagserbisyo ako ng tapat at umarangkada ang bayan ng Narra,” apela at mensahe ni Demaala sa kanyang mga kababayan.
Discussion about this post