Bilang tulong sa mga byahero na tutungo sa siyudad ng Puerto Princesa mula sa mga munisipyo at tugon sa patuloy na pagtaas ng pamasahe at produktong petrolyo, isinusulong ngayon ng Sangguniang Panlalawigan ang libreng sakay mula Irawan Transport Terminal hanggang bayan.
Ito ay sakaling ganap nang mailipat na sa Barangay Irawan ang kasalukuyang public terminal sa New Market, Barangay San Jose ng Puerto Princesa.
Sa ginawang regular na session ng mga mambabatas ng probinsya noong Martes, Marso 15, sinabi ni 1st District Board Member Cherry Pier Acosta na marapat na magkaroon ng transport assistance ang mga byahero mula sa sur at norteng mga bayan ng probinsya patungong Robinson’s mall at balikang byahe.
Anya, ito ay magbibigay rin ng kaukulang tulong sa mga mananakay upang maibsan ang gastusin nila sa pamasahe bunsod ng walang-humpay na pagtaas ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ito ay sinang-ayunan naman ni Liga ng mga Barangay President, Board Member Ferdinand Zaballa at sinabing makakatulong ang panukala upang mabawasan ang hirap ng mga byahero mula sa munisipyo sa pagsakay patungong Poblacion area ng siyudad ng Puerto Princesa.
“Ang hassle ng pag-commute lalo na sa mga kababayan nating byahero mula sa south at north na mga bayan, kung maari naman natin silang matulongan sa ganitong paraan, dapat isulong natin. Walang-humpay ang pagtaas ng diesel linggo-linggo, kasabay niyan patuloy na magtataas ng pamasahe ang mga transport players,” ani Zaballa.
Sa ngayon ay nagpa-plano ang mga ito na magkaroon ng inventory upang mabilang kung ilang mga sasakyang bus ng Pamahalaang Panlalawigan ang maaring gamitin para sa nasabing panukala.
Discussion about this post