Naglabas ng panibagong executive order ang tanggapan ni Narra acting mayor Crispin Lumba Jr. kamakailan para sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) at Returning Overseas Filipinos (ROF) kung saan nilahad dito na kinakailangan na ng mga pauwing kababayan sagutin ang beddings at pagkain na gagamitin nila sa loob ng dalawang linggong facility quarantine.
Ito ay sa kadahilanang paubos na ang pondo ng lokal na pamahaalaan upang tustusan ang iba pang kailangan ng mga kakabayang nais umuwi.
Sa executive order na hinango mula sa inilabas na kautusan (executive order 81-2020) ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez, ang sinomang pauwing LSIs at ROF ay siya nang sasagot ng karampatang gastusin sa paguwi kabilang na ang gagastusin sa rapid testing o swab testing gayundin ang sasakyan at quarantine facility na kinakailangan ng mga ito.
Ngunit, base sa napagkasunduan sa pagpupulong ng lokal na Inter Agency Task Force (IATF) ng bayan ng Narra, tanging ang higaan lamang o beddings at pagkain ang sasagutin ng kanilang mga pauwing kababayan.
Ibig sabihin nito, sasagutin pa rin ng lokal na pamahalaan ng Narra ang gastusin sa rapid testing o swab testing, sasakyan at quarantine facility ng nga pauwing LSIs at ROF.
Sa panibagong executive order na inilabas ni Lumba, walang mababago sa proseso ng pagsundo sa mga kababayan mula sa airport o pier ng Puerto Princesa. Ang mga ito ay dadaan pa rin sa Command Center ng Provincial Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang mag-fill up ng mga kaukulang form para sa contact tracing ng mga indibidwal.
Kapag ang mga ito ay natapos na sa kinakailangang mga proseso, sila ay ihahatid pa rin ng sasakyang ng LGU sa drop-off point o sa Municipal Isolation Facility ng bayan kung saan sila ay sasailalim sa rapid testing na isasagawa sa tulong ng Municipal Health Office (MHO) ng Narra.
Matapos ito, ayon sa bagong executive order ay papipiliin ang mga LSIs at ROF sa dalawang opsiyon kaugnay sa quarantine facility. Ito ay ang Municipal Quarantine Facility at ang Accredited Quarantine Facility.
Kung pipiliin ng isang LSI o ROF ang Municipal Quarantine Facility, siya ay maaring italaga sa mga pasilidad na iprinovide ng lokal na pamahalaan kabilang dito ang Narra Municipal Lagoon, Women’s Center, PSU-NCCRD, at Municipal Gymnasium.
Sa mga lugar na nabanggit, ang isang LSI o ROF ay bibigyan ng isang “privacy tent,” at foam na kanyang puwedeng gamitin sa loob ng 14 araw na quarantine. Ang pagkain at beddings umano ay sasagutin na nito sa tulong ng kani-kanilang pamilya.
Samantala, ayon pa rin sa executive order, kung pipiliin naman ng LSI o ROF ang Accredited Quarantine Facility na kinabibilangan ng mga lokal na inns at pension house, ay kanya namang sasagutin ang P500/day na charge na kanyang babayaran mismo sa management ng inn o pension house. Dito, sasagutin rin ng indibidwal ang pagkain sa loob ng kanyang 14 day quarantine.
Ang sinomang pauwing kababayan na nais lamang mag home-quarantine ay maaring makipag-ugnayan sa lokal na IATF kung saan ang mga ito ang magdedesisyon kung papayagan ba o hindi ang isang LSI o ROF.
Kapag natapos na ang dalawang linggong quarantine ay muling sasailalim sa isang rapid test ang sinomang LSI o ROF.
Inaasahan namang ang enhanced executive order ay isasakatuparan mula sa Oktubre 1.
Discussion about this post