Hiniling ni 1st District Board Member Leoncio “Onsoy” Ola sa pamamagitan ng dalawang resolusyon na mapondohon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang pagpapa-ayos ng mga nasirang imprastraktura sa Norte buhat ng nagdaang bagyong Odette.
Sa naganap na regular session ng Sangguniang Panlalawigan noong Martes, Pebrero 22 ay naghain ng dalawang resolusyon si Ola upang masolusyunan at maipaayos na ang mga nasirang establisyemento dahil sa pananalanta ng naturang bagyo noong Disyembre.
Isa sa inihaing resolusyon ay humihiling kay Governor Jose Chavez Alvarez na magkaloob ng tulong pinansyal para maipaayos ang mga nasirang gusali sa Danleg National High School sa bayan ng Dumaran.
Ang isa namang resolusyon ay naglalayon na mapondohan din ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapa-ayos ng 31 na covered courts sa iba’t-ibang barangay sa mga bayan sa norte na nagsisilbi ring evacuation centers ng mga residente sa panahon ng sakuna.
Ayon kay Ola ay nagkaroon na sila ng pag-pupulong ng mga representate ng Provincial Planning and Development Office (PPDO) upang mahanapan na ng agarang pondo ang mga proyektong nabanggit.
Samantala, ang nasabing mga panukalang resolusyon ay agad namang inaprubahan sa una at huling pagbasa ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.
Discussion about this post