Magkakakuryente na ang buong lalawigan ng Palawan kung matutuloy ang planong “compromise agreement” sa gitna ng Palawan at Malacanang ukol sa isyu ng paghahati sa pera ng local government unit at ng national government galing sa Malampaya Oil Field.
Ibinahagi ni former Presidential Spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng espesyal na pagpupulong si Pangulong Duterte kasama ang ilang mga cabinet members noong October 8, 2018, kung saan tinalakay ang isyu sa Malampaya Funds.
“Pumayag na po ang presidente doon sa ating suhestyon na magkaroon tayo ng compromise sa Malampaya Fund case natin.Pumayag na po ang presidente na kapalit ng ‘full electrification’ yun na po ang tatangapin ng Palawan galing po dun sa Malampaya fund,” aniya.
Ayon pa kay Roque na minamadali na daw ang pagproseso ng kasunduan at wala ding halaga na naisaad kung magkano ang makukuha ng Palawan. Ang nakasaad pa lamang ay ang “full electrification of Palawan.”
“Minamadali po natin ang proseso. Ang paglagda ng compromise agreement. Wala pa pong halagang nakasulat,” pahayag ni Roque.
Dati nang sinabi ni Roque na P120-bilyon ang dapat makuha ng lalawigan bilang share sa royalties dahil ito ay 40% nang naibigay ng Shell Exploration sa national government. Ayon umano sa Local Government Code, 60-40% ang hatian ng local at national governments. Si Roque ay dating abogado ng Kilusan Love Malampaya na humabla sa national government para bigyan ng share ang provincial government ng Palawan.
Discussion about this post