ODIONGAN, Romblon, Agosto 13 (PIA) — Isinagawa ni Odiongan Mayor Trina Alejandra Q. Firmalo-Fabic ang kanyang ikalawang “Ulat sa Bayan” o State of the Municipality Address (SOMA) na ginanap sa Odiongan Public Market noong nakaraang linggo.
Dinaluhan ito ng matataas na opisyal ng lalawigan, mga kinatawan ng National Government Agencies, Sangguniang Bayan Members ng Odiongan, mga empleyado ng munisipyo, barangay officials, head of schools, non-government organizations, religious groups at iba’t ibang sektor ng lipunan.
Sa SOMA ni Mayor Fabic ay kanyang ibinahagi ang ilang update patungkol sa lagay ng ekonomiya sa bayan ng Odiongan gaya ng mga sumusunod: ang total assets ng negosyo na naka-invest sa Odiongan ay mahigit P1 bilyon na sumasalamin sa lagay ng ekonomiya ng bayan; mas pinalakas ang economic enterprises ng munisipyo katulad ng Palengke, slaughterhouse at sementeryo: kaunting pagtaas ng buwis na sinisingil ng munisipyo ngayong 2018 sa mga negosyante alinsunod sa 2013 Revised Revenue Code ng Odiongan; paglago ng local income ng Odiongan ng 8.64 porsiyento noong 2016 at noong 2017 ay tumaas pa siya ng 13.27 porsiyento.
Inaasahan rin ngayong taon na aakyat ito ng halos 16 – 18 porsiyento; collection efficiency rate sa pagkolekta ng buwis ay sumobra sa target kung saan umabot ng 103 porsiyento sa local taxes at 130 porsiyento sa iba pang buwis noong nakaraang taon at target ng LGU-Odiongan ngayong taon na makakolekta ng mahigit P42-milyon lokal na kita.
Sinabi rin ng alkalde na para mas mapaganda pa ang ekonomiya ng bayan, maraming infrastructure projects na ipinagawa sa iba’t ibang bahagi ng bayan noong nakaraang taon sa pakikipagtulungan ng Municipal Engineering Office, Office of the Municipal Planning and Development Coordinator, Department of Public Works and Highways at pamahalaang panlalawigan ng Romblon.
Patuloy rin aniya ang suporta ng LGU- Odiongan sa mga paaralan sa bayan ng Odiongan lalo na pagdating sa mga kompetisyon sa Provincial, Regional at National levels gayundin sa mga sports activity katulad noong 2017 Provincial Meet.
Nag-aalok rin ang pamahalaang lokal ng masteral schoolarship sa Romblon State University para sa mga guro.
Pinasalamatan rin ni Mayor Fabic ang mga private partners na tumulong sa pagtatayo ng Gabawan National High School mula sa pagtatayo ng mga classrooms hanggang sa mga pathways. May private donor din aniya na magbibigay ng karagdagang pondo para sa kindergarten classroom sa Boliganay Elementary School.
Pagdating naman aniya sa kalusugan, kaagapay ng munisipyo ang Rural Health Unit ng bayan na patuloy sa pagbibigay ng mga serbisyong medikal sa mga buntis, sanggol, bata, senior citizens, mga may sakit ng tb, hypertension, at iba pa.
Sa tulong aniya ng Sangguniang Bayan ng Odiongan nakapagtalag na ng isang medtech sa Rural Health Unit na makakatulong sa laboratoryo ng center.
Sa pamamagitan ng Barangay Caravan, maraming taga-Odiongan din na nasa kabaranggayan ang nabigyan ng serbisyo ng Rural Health Unit kung saan ang mga residente rito ay nabigyan ng libreng check-up, dental check-up, blood typing at blood sugar measuring.
Tinaasan rin ng Sangguniang Bayan ang sahod ng mga 134 Barangay Health Workers mula sa P500 ginawa itong P1,000 kada buwan.
Noong nakaraang taon aniya ay bumaba ang malnutrition rate sa bayan ng Odiongan mula sa 5.4 porsiyento patungo sa 3.55 porsiyento sa pamamagitan ng feeding program, pagbibigay ng vitamins, education campaign at iba pa. Ang Odiongan rin ay napili bilang most outstanding pagdating sa nutrition program sa lalawigan ng Romblon.
Patuloy rin ang pagbibigay ng assistance ng munisipyo sa iba’t ibang farmers association sa bayan ng Odiongan katulad ng pagbibigay ng mga gamit pansaka. Pinaganda rin ang Municipal Nursery/Greenhouse para may pagkunan ang mga magsasaka ng binhi na kailangan nila sa kanilang pagtatanim at nakatakda na ring simulan sa bayan ng Odiongan ang Urban Gardening.
Ibinahagi rin ng punong bayan ang pagkakaroon ng dagdag na araw o market day para makapagbenta ng gulay at prutas ang mga magsasaka sa Odiongan Public Market.
Sa programang pang-karagatan, halos lahat aniya ng coastal barangays ay nabigyan ng bangka ang mga Bantay Dagat para masigurong nababantayan ng mga ito ang coastal waters laban sa mga iligal na gawain sa pangingisda.
Unang bahagi pa lang aniya ng 2018 ay ipatupad na ang pagkontrol sa presyo ng mga binebentang isda sa Pamilihang Bayan ng Odiongan alinsunod sa Municipal Ordinance na pinasa ng konseho ng Odiongan.
Isinusulong rin aniya ng lokal na pamahalaan ang programang pang-turismo kung saan pinapaganda na ang Libertad Mangrove Forest and Agua Silvi Culture at pagtatayo ng floating raft na napondohan sa tulong ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) at Department of Tourism (DOT).
Balak ng LGU-Odiongan na magkaroon ng Odiongan River Cruise, mag-construct ng access road patungo sa Busay Falls at magkaroon ng tricycle tours paikot sa buong Odiongan sa tulong ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Ipinagmalaki rin ni Mayor Fabic sa kanyang Ulat Sa Bayan ang pagiging ‘drug-cleared’ municipality ng Odiongan at ng lalawigan ng Romblon. Ang Odiongan Municipal Police Station aniya ay patuloy ang kampanya para mapanatiling tahimik ang buong bayan at patuloy ring ipinatutupad sa Odiongan ang curfew para sa mga minors o mga batang edad 18-pababa.
Sisimulan na rin aniya ang pagtatayo ng Police Outpost sa Barangay Batiano para mas mabilis na makapagresponde sa mga barangay sa hilagang bahagi ng bayan ng Odiongan.
Kung matatandaan aniya, Nobyembre 2017 ng magtungo sa Odiongan ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para magsagawa ng survey at pag-aaralan ang daloy ng trapiko na ginamit sa pagbuo ng Municipal Traffic Management Plan na naiturn-over na sa kanila ngayong 2018.
Muling inihayag ni Mayor Fabic na ang pamahalaang bayan ng Odiongan ay hindi nagbabago sa kanilang stand o mariing pagtutol sa operasyon ng Small Town Lottery sa bayan na kanyang nasasakupan.
Muling nangako ang alkalde na kanyang ipagpapatuloy ang mga proyekto at programang nasimulan para mas maramdaman ng taga-Odiongan ang serbisyo ng pamahalaan hanggang sa malalayong barangay ng bayan na kanyang pinamumunuan.(PJF/DM/PIA-MIMAROPA/Romblon)
Discussion about this post