Masayang idinaos sa lungsod ng Puerto Princesa noong Disyembre 6 ang pagpaparangal sa Ina ng Tagapagligtas na si Birheng Maria sa pamamagitan ng prosesyon sa dagat o fluvial parade.
Ang taunang aktibidad na mas kilala sa mga lokal na mga mamamayan bilang caracol ay nakagawiang isinasagawa kada bisperas ng kapistahan ng Immaculate Concepcion na siyang patron ng siyudad.
Bago ang prosisyon, nagkaroon muna ng pinakahuling nobena bandang ika-12:30 ng tanghali, na sinundan ng prosisyon sa pier pagsapit ng ika-1:30 ng hapon bago nagdaos ng Ecology Mass ganap na ika-2:00 ng hapon.
Matapos ito ay isinakay ang Mahal na Birhen sa BRP Sindangan (MRRV-4407) ng Philippine Coast Guard at umikot sa Puerto Princesa Bay. Pagkatapos nito ay muling ibinalik ang Immaculada Concepcion sa Katedral bandang 5:30 at nagsagawang muli ng Banal na Misa.
Ayon sa Rector ng Immaculate Concepcion Parish (ICP) na si Rev. Fr. Pepito Rollo, napakahalaga ng nasabing aktibidad bilang bahagi ng taunang tradisyon ng Inang Simbahan na nagpapakita ng pananampalatayang Kristiyano.
“Naging tradisyon na talaga ‘yan dito ginagawa taun-taon. Dumating ako sa Puerto [Princesa] 1963, may caracol na tuwing bisperas ng piyesta ni Mama Mary…Ang ating mga prosisyon ay nagpapahayag ng ating pananampalataya, ang ating pagpaparangal sa ating Patron,” ani ICP Rector, Rev. Fr. Pepito Rollo.
At higit sa lahat umano, ang pagdiriwang na mga piyesta ng mga santo ay ang ating pag-aalaala sa mga magaganda nilang katangian “na dapat nating masundan sa ating buhay bilang huwarang mga Kristiyano.”
Ipinaliwanag din ng Rektor kung bakit napaaga ang pagselebra ngayong taon sa halip na Disyembre 8 na pumatak naman sa araw ng Linggo na sa atas ng Simbahan ay wala dapat ibang sinasamba o ikinararangal kundi tanging ang Poong Hesu-Kristo lamang.
“Kasi ang Sunday ay Advent Sunday, hindi pwede na pagsabayin ‘yung dalawa…at saka mas malaking fiesta ‘yung Advent…kaya naging secondary na lang [ang prosisyon ngayon],” aniya.
PAGKAUNTI NG MGA LUMALAHOK SA CARACOL
Kasabay naman ng pagdaan ng maraming taon, aminado ang Simbahan na napansin din nila ang pagkaunti ng mga lumalahok sa caracol.
“Alam natin na…marami na talagang nag-transfer [sa ibang lugar] …Ang ibang mga bangka natin nasa dayo [rin kaya wala rito] …,” ani Fr. Rollo. “Pero noong una talaga mas marami [ang mga sumasama rito] ‘yung buo pa ang maraming tao riyan sa Quito …Marami nang mangingisda ang wala na rito,” dagdag pa niya.
Similar na obserbasyon din ang ibinahagi ng Presidente ng Daughters of Mary Immaculate International (St. Bernadette Circle) na si Gng. Rosalinda “Nitz” Austria na miyembro ng samahan simula pa noong 1986 na kung ihahambing umano noon sa ngayon ay sadyang napakalaki na ang pinagkaiba.
“Malaki na ang pinagbago di katulad noon tlaga na masyadong maraming tao na nagjo-join dito na nagjo-join rito sa caracol, sa prosisyon pa lang. Kami maliliit pa noon, talagang di namin nami-miss ang event na ito. Napaka-importante sa amin bilang Katoliko ‘yung caracol na ito [na] parangal kay Mama Mary.
“Napakarami talaga ng mga nagpa-participate noong araw…Ito kaunti lang ang mga bangka [na sumama] ngayon. Noon, punong-puno; nagkakabanggaan na nga ‘yung ibang mga bangka dahil sa dami ng gustong mag-join,” kwento pa ni Gng. Austria.
Kaya payo niya, hikayatin dapat muli ang publiko na buhaying muli ang tradisyon ng lungsod.
“Ang dapat ditong gawin ay i-encourage ‘yung mga mangingisda, ang mga tao na mag-join dito sa fluvial sapagkat ito ay malaking bagay na maidudulot sa kanilang pananampalatayang Kristiyano,” aniya.
Samantala, binigyang-diin naman ng Simbahan ang kahalagahan sa pagsunod sa mga kautusan ng Poong Hesu-Kristo.
Discussion about this post