Nakiisa rin sa taunang pagdiriwang ng Kapistahan ng Poong Nazareno noong ika-9 ng Enero ang mga mananampalataya sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa temang “Deboto ng Poong Hesus Nazareno, Hinirang at Pinili Upang Maging Lingkod Niya,” masiglang lumahok ang mga mamamayan sa pagdiriwang na sinimulan sa pamamagitan ng isang Banal na Misa pasado alas singko ng hapon. Puno ang makasaysayang Immaculate Concepcion Cathedral (ICC) na karaniwang nangyayari kapag may mahalagang okasyon.
Ilang deboto ang dala-dala pa ang sarili nilang imahe upang mabendesyunan.
Makalipas naman ang mahigit isang oras ay isinagawa na ang taunang prosesyon o “traslacion” kung saan, dumaan ang karwaheng sakay ang imahe ng Poong Nazareno, na dinamtan din ng damit ng Nazareno ng Quiapo, sa Taft St., lumiko sa kanan ng Roxas St., lumiko sa kaliwa ng Manalo St., kaliwa sa Lacao St. at lumiko uli sa kaliwa ng Rizal Avenue pabalik sa Katedral.
Sa pagbabalik nito sa loob ng Katedral bandang ika-8:09 ng gabi ay agad namang binuksan sa publiko ang tradisyunal na “pahalik” sa Poon na pinilahan ng mga deboto—bata man o matanda.
Sa buong bansa, libu-lubong mga deboto ang nakikitang nakikilahok sa ‘traslacion’ sa kada taon na sa lungsod ng Puerto Princesa ay inasistihan ng mga kawani ng Coast Guard District Palawan.
“Dumagdag pa rin ‘yung bilang ng ating mga deboto na nakiisa dito sa ating pagdiriwang na ito sa kabila ng medyo nagbabadya ang panahon kanina, medyo paambon-ambon,” ayon kay G. Armando Golifardo Jr., ang in-charge sa pagdiriwang. Si Golifardo ay kasalukuyang Regional Project Officer ng DILG-Mimaropa at umuwi lamang sa siyudad, isang araw bago ang kapistahan upang ayusan ang karwahe, damtan ang imahe at pangunahan ang aktibidad.
‘Pista ng Puting Nazareno’
Hindi naman gaya sa Quiapo, Maynila na ang imahe ay ang Itim na Nazareno na mula pa sa Mehiko, sa lungsod, ang tampok ay ang “Puting Nazareno” na mula pa sa bansang Espanya at naging parte na ng kasaysayan ng siyudad. Ito ang dahilan kaya ang sinisilebra sa lungsod ay ang “Pista ng Puting Nazareno.”
“During the Second World War, sunog ‘yung buong Puerto [Princesa], ito ghost town ito, binomba [kasi] ‘yung mga areas natin, kasama ‘yung katedral. So, para ma-check ng mga American soldier kung may nagtatago pang Japanese soldiers sa loob ng simbahan, pagpasok nila, ang nakasulat [sa kasaysayan ng Puerto Princesa], ay ‘kinalibutan’ sila kasi out of the debris ay ‘Nakatayo ‘yung Nazareno na animo’y buhay,’ kasama ang image ng Immaculate Concepcion, [na] nakatago na [ngayon],” ang kwento ni Golifardo na isa rin sa mga deboto ng Nazareno at nakayapak lamang sa prosesyon.
Panata ng mga deboto
Ayon naman sa isa sa mga lumahok at dala-dala pa ang replika ng imahe ng Poong Nazareno na si Gng. Norma Ramirez na residente ng Brgy. Liwanag, napakarami na niyang hiniling sa Panginoon na kanyang nakamit, maging ang pagkakataong makapagtrabaho sa NFA na aniya’y dahil sa panalangin.
“Yung success ko kasi, hindi ko kayang makamit kung hindi dahil sa Panginoon kasi mahirap lang kami [noon],” aniya.
Sa mga tagumpay na nakamit kabilang pa ang pagkakapasa ng kanyang mga anak sa board exams para sa parmasya at Medtech sa isahang pagkuha lamang, aniya, panata niyang sumali sa prosesyon sa kada taon sa abot ng kanyang makakaya.
“Kanina, hindi maganda ang pakiramdam ko, [kaya nanalangin ako], sabi ko ‘Lord, sana tulungan mo ako na matapos ko ang prosesyon.’ Pagdating ko rito, nawala na,” masayang kwento ni Gng. Ramirez.
Ngayong taon, sa kanyang pagsama sa prosesyon, kabilang din sa kanyang mga kahilingan sa Panginoong Diyos ay ang lubusang paggaling ng kanyang kabiyak at kaligtasan at paggabay sa kanyang mga anak.
“Hiniling ko na sana gumaling na ang asawa ko na na-stroke pero gumaling na rin [siya], nag-o-opisina na rin pero siyempre hindi pa fully healed,” ani G. Ramirez.
“Sa pamilya rin, good health, guidance and protection, kasi ang mga anak ko sa Maynila, alam mo naman ang nanay [laging nag-aalaala]. Tsaka may estudyante ako na nagme-Med, siyempre kailangan natin ng prayer eh sa Panginoon para maging successful din siya,” dagdag pa niya.
Payo rin niya sa mga mananampalataya na kapag naramdamanng ipinagkaloob na ang kahilingan ay huwag kalilimutang magpasalamat sa Dakilang lumikha. Idinagdag din niyang gawing araw-araw ang pagdarasal “hindi lang dahil kailangan natin” at ituloy-tuloy ito at huwag putulin ang kaugnayan sa Diyos.
“Sa ating mga deboto, nakikiusap tayo na sana hindi lang magtapos dito sa traslasyon sa Poong Nazareno itong debosyon natin. Sana, maipagpatuloy pa natin sa ating mga tahanan, sa ating opisina—na gawin nating regular na gawain ang pagsasamba, pananalangin sa Poong Nazareno hindi lang para sa atin, kundi para sa kapwa natin, para sa kagalingan ng mga may sakit,” ang panawagan naman ni G. Golifardo sa lahat ng mga debotong Katoliko.
Discussion about this post