Inamin ng Palaweño singer na si Daryl Ong na hindi na sya Kapamilya o maituturing na ABS-CBN star sa pamamagitan ng kaniyang Youtube Channel ngayong Hunyo 16 na agad namang nag-trending online.
Saad ni Ong, napilitan siyang umamin dahil hirap na syang hindi makasagot sa mga bashers na inakusahan syang balimbing matapos mag-guest sa Eat Bulaga at ibang shows ng Kapuso network.
Bago pa man mag shut down ang ABS CBN, sinabi ni Ong na siya ay “banned” na kasama ang kapwa singer na si Bugoy Drilon sa anumang shows ng ABS-CBN, at nag ugat ito dahil sa isang usapan nila bago ang isang show ng BUDAKEL (Bugoy, Daryl at Michael Pangilinan) sa Iloilo kung saan tinalakay nila ang isyu ng pag-renew ng prangkisa ng network. Wala anya silang kaalam-alam na may nag record ng kanilang usapan at ipinadala sa isang mataas na opisyal ng Kapamilya network.
“Hindi po ako umalis sa ABS, tinanggal po ako, binan ako dahil sa insidenteng napagkuwentuhan namin yung franchise issue at nakarating sa isang boss, at ang impression nila kumakampi kami, pero talaga ang binanggit ko lang nun was ‘naku malabo na yan, kalaban nila ang government at si presidente, malabo na yan,’ more on nagi-guilty ako kay Bugoy kasi parang ang nangyari nadamay sya, pati sya binan kasi andun sya sa conversation, pero kung tutuusin wala naman siyang sinabing mali,” sabi ni Ong.
Mabigat umano sa kanyang dibdib ang nangyari dahil ni hindi man lang sila pinatawag o pinagpaliwanag sa nangyari.
“Nakakalungkot lang na hindi kami nabigyan ng chance na magpaliwanag or hindi man lang kinausap nung boss. Actually kilala namin kung sino yung nag ban sa amin pero di ko lang siya pwedeng banggitin kasi baka bawal alam mo na,” sabi pa ni Ong.
Ganun pa man hindi masama ang kanyang loob dahil mas maraming bagay aniya siyang dapat ipagpasalamat kaysa ikagalit.
“Nililinaw ko na wala na ako sa ABS-CBN, wala na po ako sa Kapamilya network, wala po akong galit, wala po akong karapatan na hind maging mapagpasalamat dahil sila naman ang nagbigay sa akin ng opportunity bilang artist na makatawid sa mainstream, kaya habang buhay kong ipagpapasalamat yun,” dagdag pa ni Ong.
Sa halos 20 minutong Vlog ay binanggit ni Daryl ang mga Kapamilya shows na naging bahagi sya, mga teleserye na ginamit na theme song ang mga kanta nya. Nabanggit nya rin ang It’s Showtime kung saan nabuo ang BUDAKELS, mga kaibigan sa ASAP at ibang artista at singer na napamahal na aniya sa kanya.
“Alam ko lahat ng bagay na nangyayari sa buhay natin ay meant para madagdagdan ang wisdom natin. Meron tayong matutunang lesson at the same time we grow wiser, we grow stronger. I know ‘yung nangyaring ito hindi man sya happy ending, still, hindi ako mauubusan ng rason na maging masaya at mapagpasalamat,” saad pa ni Ong.
Kilalang singing contest joiner si Ong ngunit ang pagsali nito sa The Voice Season 2 ang nagpaningning ng kanyang karera bilang singer. Ilan sa mga ‘di malilimutang kanta nya ang cover nya ng “Ikaw na nga” ni Willie Revillame at ang Stay na ginamit sa teleseryeng On the Wings of Love, at suki rin ang ibang kanta nya sa FPJ Ang Probinsyano.
Nagtapos sya ng kursong Advertising sa University of Sto. Tomas, sekondarya sa Palawan Hope Christian School at elementary sa Palawan State University. Siya ay anak nina Arlene at Wilson Ong. Sa ngayon ayon kay Daryl, mapapanood siya sa kanyang online channel at patuloy pa rin syang gagawa ng mga kanta.
Discussion about this post