Nakasalalay sa magiging desisyon ng National Inter-Agency Task Force (IATF) ang kahilingan ng Sangguniang Panlalawigan na pahintulutan ang pagsasagawa ng contact sports gaya ng basketball sa mga Barangay at mga munisipyo sa Palawan.
Ayon kay 2nd District Board Member Ryan Maminta, sakaling payagan ito ng National Inter-Agency Task Force ay malaki ang magiging papel ng lokal na pamahalaan lalo na ng mga barangay sa pagpapanatili ng minimum health protocol.
“Noong nakaraang Martes naipasa yung resolusyon natin na nanawagan tayo at hinihikayat natin at talagang hinihiling natin sa National IATF sa pamamagitan ng Philippine Sports Commission, GAB (Games and Amusement Board) at ng Department of Health na maglabas ng bagong kautusan para payagan ang mga contact sports katulad ng mga recreational sports activities ng basketball, volleyball, football, sepak takraw at iba pang mga sports activities sa mga barangay at mga munisipyo sa buong lalawigan, lalo’t higit sa mga low risk areas. Yung hinihiling natin ay may kasamang alintuntunin at mga patakaran kung papaano isasagawa yun sa pamamagitan ng mga barangay at ng mga munisipyo,”
Positibo naman ito na papayagan ito ng IATF dahil ang Palawan ay kabilang sa mga lugar may mababang kaso ng COVID-19.
“Kung mamarapatin sana ng National IATF [na] maglabas ng mga guidelines may kinalaman dito. Kailangan na siguro kung baga na payagan natin ito dahil dito naman sa atin low risk area, may mga barangay na talaga for so long a time, napakahaba na ng panahon na ang kanilang estado ay wala talaga kaso ng COVID sa bagamat nag-iingat tayo, pwede naman nating payagan na may kasama pa ring pag-iingat.”
Napapanahon narin aniya ang pagbabalik ng mga aktibidad na pampalakasan lalo na sa mga kabataan upang hindi mahikayat na malulong sa mga masasamang bisyo.
“Makakatulong pa ito sa kabataan at doon sa ating mga kababayan na magkaroon ng mga ibang diversion maliban sa kung ano man ang ginagawa nila ngayon, may ibang kabataan na nagsusugal na, nagbibisyo, umiinom ng alak di natin alam kung ano pang ibang ginagawa na sa tingin natin makatulong yung diversion sa sports at yung pagsasagawa nito ay makatulong din sa mental health ng mga kabataan natin,” pahayag ni Maminta.
Ayon naman kay Chito Delos Santos, isang manlalaro ng basketball sa bayan ng Quezon, Palawan, matagal nang hindi pinapayagan ang mga contact sports kaya ang mga tao ay naiinip na kaya isa sya sa humihiling sa pagbigyan na ito.
“Kung sakaling papayagan nila, alam din nila (ng gobyerno) kung ano yung magiging cause and effect, kasi hinahanap din ng tao makapaglaro sa labas gaya ng basketball. Sobrang tagal na hindi pinapayagan,” Ani Delos Santos.
Samantala ang kahilingan na ito ay nasa opisina na umano ni Governor Jose Chaves Alvarez upang lagdaan bago ipapadala sa National Government.
Discussion about this post