Nananawagan si Father Roderick Yap Caabay sa National Government at Local Government Unit (LGU) ng Culion para sa mga residente na apektado ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa munisipyo.
Ayon sa Facebook post ng Pari, nakakaranas na ng gutom ang taong bayan at hindi sapat ang 5 kilong bigas at mga isda na ayuda ng LGU para sa 7 araw.
“Kawawa naman ang mga taga-Culion, mataas ang kaso ng COVID. Hard lockdown. Walang trabaho, kulang ang ayuda. Ipinagbabawal kahit panginginas o pangingisda? Gutom na po ang mga tao! ‘Pag nagreklamo ka, ipapasara ang maliit mong tindahan at babantayan at tatakutin” ayon kay Father Caabay.
Dagdag pa nito na hindi umano maayos ang quarantine facilities dahil masikip na para sa mga taong naka-isolate na pinabulaanan naman ng LGU.
Ayon kay Culion Emergency Operations Center (EOC) Manager at Municipal Administrator Maxim Raymundo, sa katunayan ay ginamit nilang quarantine facility ang mga housing na hindi okupado at malalaking eskwelahan kung saan nilagyan pa umano nila ito ng mga cubicle/isolation tents.
“Ang facilities po natin ay hindi mga hotel, ito po ay dating housing, pinagsasama po natin tatlo o apat [invidual] sa isang kwarto ngunit sa mga classroom naman ay may mga cubicle tents po tayo na ipinagsasama natin dalawa o tatlo.” ayon sa panayam ng Palawan Daily sa administrator.
Sinabi pa nito na kada tatlong araw ang pagbibigay ng ayudang bigas, gulay, karne o isda sa mga apektado ng ECQ. Nagsasalitan umano ang munisipyo at barangay sa paghahatid ng tulong sa mga residente.
“Si Father Caabay ay wala po dito sa Culion ilang buwan na po. Siya po ay kura paroko ng bayan ng Culion. Siya po ay talagang identified na kritiko. Siya ay hindi pa nakakabalik ngayon dahil uncoordinated ang pag-alis niya.” dagdag pa nito.
Samantala, bagamat tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan, ito ay nagpapakita lamang umano na epektibo ang kanilang contact tracing at ang mga ito ay primary contacts umano ng mga nauna nang nagpositibo kung kaya tiwala sila na sa mga susunod na araw ay mababa na ang bilang ng aktibong kaso ng virus sa kanilang bayan.
Discussion about this post