Nanawagan ang Department of Health (DOH) na ideklara ang human immunodeficiency virus (HIV) bilang isang National Public Health Emergency matapos makapagtala ng 500% pagtaas sa bilang ng mga kaso sa mga kabataang edad 15 hanggang 25, o mga kabilang sa henerasyong Gen Z.
“Ang maganda, magkaroon tayo ng public health emergency, national emergency for HIV dahil magtutulong-tulong ang buong lipunan,” pahayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa.
“The whole of society, the whole of government can help us in this campaign na mapababa ng new cases of HIV.”
Batay sa pinakahuling datos ng DOH, mula Enero hanggang Marso ng 2025, umaabot na sa 57 bagong kaso ng HIV kada araw ang naitatala — higit doble kumpara sa 21 kaso kada araw noong 2014. Dahil dito, ang Pilipinas na ngayon ang may pinakamabilis na pagtaas ng HIV cases sa Western Pacific Region.
Pagtaas ng kaso sa mga kabataang lalaki, lalo na sa MSM.
Ayon sa ahensya, karamihan ng transmisyon ng HIV ay dulot pa rin ng sexual contact, na simula 2007 ay mas naging dominante sa mga kasong kinasasangkutan ng mga lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki (MSM). Sa kabuuan, ang bilang ng mga Pilipinong namumuhay na may HIV ay umabot na sa 215,000 ngayong 2024.
Kung hindi maagapan ang pagdami, sinabi ni Herbosa na posibleng umabot sa mahigit 400,000 ang bilang ng mga HIV-positive sa bansa sa susunod na mga taon.
Tugon ng mga youth clinic sa Palawan
Sa lalawigang tulad ng Palawan, kung saan may mga kasong naitatala sa mga menor de edad, aktibo ang mga organisasyong tulad ng Roots of Health sa Puerto Princesa, isang NGO na nagbibigay ng reproductive health services, free HIV screening, at edukasyon sa mga kabataan. Mayroon din silang access sa Pre-Exposure Prophylaxis (PrEP) at libreng counselling.
Bukod sa Roots of Health, may mga health center at rural health units (RHUs) sa Palawan na nagbibigay rin ng HIV screening at impormadyon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng HIV awareness at prevention campaigns.
Libre, kumpidensyal, at suportado ng PhilHealth
Hinikayat din ng DOH ang mga sexually-active na Pilipino na sumailalim sa HIV testing. Ayon sa ahensya, ito ay libre at kumpidensyal.
Ang kombinasyon ng condom, lubricants, PrEP, at regular na testing ang tinutukoy ng DOH na “combination prevention method” upang mapababa ang bagong kaso.
Pagputol ng U.S. aid, pero may pondo ang DOH
Noong Pebrero, tuluyang ipinahinto ng Estados Unidos ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa Pilipinas para sa mga programang kontra-HIV, AIDS, malaria, at tuberculosis. Tiniyak naman ng DOH na sapat ang lokal na pondo upang ipagpatuloy ang mga hakbang kontra sa lumalalang krisis.
Sa kabila ng hamon, umaasa ang DOH na hindi lamang gobyerno, kundi maging mga paaralan, NGO, at mismong kabataan, ang makikibahagi sa kampanyang ito.