Isang lalaki ang dinampot ng pulisya sa Bayan ng Roxas dahil sa umano’y pagnanakaw ng kalabaw at pagbenta naman nito sa isang negosyante.
Kinilala ang suspek na si Michael Tocoyo Corpuz, 28 anyos, may live-in partner, self employed at residente ng Sitio Catin-catin, Brgy. Malcampo, Roxas, Palawan habang ang biktima ay si Nazario Baludio Zapanta, 55 taong gulang, businessman at residente naman ng Barangay 3, Roxas, Palawan.
Sa spot report mula sa Palawan PPO, nakasaad na dakong 2 pm kamakalawa ay nag-alok si Corpuz kay Zapanta ng isang 12 taong gulang na buntis na kalabaw at kinuha ang paunang bayad na nagkakahalaga ng P16,000 kalakip ang pangakong dadalhin ang mga credentials kapag natanggap na ang natitira pang kabayaran na nagkakahalaga ng P7,000 o kabuuang P23,000.
Bandang 11 am naman kahapon, Setyembre 16, 2020 ay muling tumawag sa pulisya si Nazario at humihiling ng police assistance, at nagsabing nasa tahanan niya ang suspek at hinihiling na makuha na ang natitira pang balanse ngunit bigo namang maipresenta ang mga kaukulang dokumento. Sa puntong iyon ay kapwa inimbitahan ng pulisya ang suspek at si Nazario upang maberipika kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing kalabaw.
Kaugnay nito, bandang 12:15 din ng tanghali ng araw ding iyon ay dumating ang isang indibidwal na si Ronnie Quijano Ulzoron, 48, may asawa, magsasaka at residente ng Purok 3, Brgy. San Jose, Roxas at iniulat sa Roxas MPS na nawawala ang kanilang kalabaw dakong 11 am noong September 14, 2020 habang nakatali malapit sa kanilang bahay. Personal naman niyang kinilala na ang nawawala nilang kalabaw ay ang kalabaw na binenta ng suspek kay Nazario Zapanta.
Matapos mapatunayan kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing hayop ay agad na inaresto ang naturang suspek at isinailalim sa kustodiya ng Roxas MPS. Narekuber naman mula sa kanyang pag-iingat ang salaping nagkakahalaga ng P5,300.
Habang sinusulat naman ang balitang ito ay nakatakda nang isampa ng Roxas PNP
laban sa suspek ang mga paglabag sa PD 533 o ang “Anti-Casttle Rusting Law” ukol sa pagnanakaw, pagpatay o pagtangay ng mga large cattle ng walang pahintulot sa may-ari o nagpalaki nito at ang kasong estafa via online inquest.
Discussion about this post