INANUNSIYO ng Presidente ng Palawan State University (PSU) na si Dr. Ramon Docto na nasa plano na nila ang pagkakaroon ng ATM ng mga benepsiyaryo ng Tertiary Education Subsidy (TES) ng CHED.
Sa isinagawang press conference kamakailan sa Hue Hotel kaugnay sa “2019 Mimaropa Tertiary Education Subsidy (TES) Congress” kung saan nagbahagi ng kani-kanilang mga hakbang o ipinatutupad na programa ang bawat pangulo ng mga state universities ng Mimaropa Region, malugod na ibinahagi ni Dr. Docto ang nakalinyang development.
“Itong year na ito…magkakaroon na rin kami ng ATM, ng mga bata, kasi mahirap magdala ng pera eh! Through DBP, mayroon silang ATM….Pupunta roon (PSU) ang taga-bangko at ia-assist sila (mga mag-aaral) para hindi na cash ang ibibigay diresto na sa kanilang ATM,” aniya.
Ibinahagi rin niya sa mga panauhin na sina CHED Chairman J. Prospero de Vera III, CHED Regional Director Joselito Alisuag, mga kapwa pangulo ng mga state university at media ang minsang pagsama niya sa Bayan ng Brooke’s Point para sa pamamahagi ng P7 milyon sa mga TES beneficiaries. Pagsasalarawan niya, nakakakaba ang pagdadala ng ganoon kalaking cash sa iba nilang campuses.
Ang ikinatuwa lamang umano niya sa mga sandaling iyon ay personal niyang nakita kung gaano kahalaga para sa mga grantees ang salaping natanggap. Patunay umano ang pag-iyak ng ilang magulang at mga benepsiyaryo nang iabot sa kanila ang salapi. Ang sabi pa umano ng ilan ay sa panahong iyon lamang sila unang nakatanggap ng ganoon kalaking halaga.
“Ang sabi natin sa mga bata na sana, pahalagahan natin ang bigay ng gobyerno sapagkat wala na kayong gagawin pa. Hindi katulad sa panahon namin noon na maghahanap pa ng pera [para lang makapag-aral],” hiling pa ng Presidente ng Palawan State University.
At dahil dito, ani Dr. Docto, wala ng dahilan ang mga estudyante na mahuli pa sa pagpapa-enrol dahil libre na ang pag-aaral hindi gaya ng dati na ang rason ng ilang kabataan ay kaya sila nahuli ay dahil nag-ani o nangisda pa sila upang may maipambayad sa eskwelahan. Ngayon, ang tanging gagawin na lamang nila ay mag-aral. Sa talaaan ng Unibersidad noong nakaraang taon, nasa 1655 ang mga benepisyaryo ng TES, na ang bawat isa ay nakatanggap ng P32,000 para sa mga buwan ng Hunyo hanggang Disyembre o katumbas sa P4,000 kada buwan.
Sa kabilang dako, katulad sa plano ng PSU, sa Romblon State University ay umiiral na ang paggamit ng ATM sa pagbibigay ng financial assistance sa mga benepisyaryo na ibinahagi naman ni Dr. Arnulfo de Luna.
Ayon naman kay Dr. Merian Mani, presidente ng Marinduque State University, sa kanilang unibersidad aytinuturuan nila ang mga magulang at mga benepisyaryo na magtipid. Ten percent umano ng kabuuang natatanggap nila ay kanilang ipinatatabi at kung magkano ang kanilang maiipon sa araw ng pagtatapos ay tatapanan ng alumni upang magamit nila sa pag-a-apply ng trabaho o pagsisimula ng bagong negosyo.
Tinuruan din umano ng pamunuan na maging mapagbigay ang mga grantees ng CHED sa pamamagitan ng adopt-a-school program kung saan ay doon sila nagsasagawa ng feeding program sa napiling eskwelahan. Ganoondin umano, kada taon ay nagkakaroon sila ng Family Day o isang salu-salo na kadalasan ay tuwing Kapaskuhan upang maging mas malapit pa ang bawat magkaklase tungo sa layuning makalikha ng negosyo nang magkasosyo na lilikha rin ng trabaho sa iba pang nakapagtapos.
Sa WPU naman, ayon Dr. Elsa Manarpaac, nagsagawa sila ng pag-aaral ukol sa kung saan ginagasta ng mga beneficiaries ang mga natatanggap nilang malaking halaga na nilahukan ng 900 TES beneficiaries mula sa kabuuang 1,843 benepisyaryo ng Main at PPC campuses.
Lumabas umano sa pag-aaral ang Top 5 na pinagkakagastusan ng mga mag-aaral gaya ng laptop, cellphones, pagkain at damit at pagbibigay sa mga magulang.
“Kung titingnan natin, kung ang objective ba ay na-meet ng mga beneficiaries, in the case of the beneficiaries from the Western Philippines University, panay po education related ang napuntahan ng kanilang natanggap from the government kaya nakakatuwa po,” aniya.
Bagamat, napag-alaman din umano nilang nasa six percent ang hindi ipinaalam sa kanilang mga magulang na nakatanggap sila ng financial aid. Sa unang release ng Unibersidad noong Disyembre 1, 2018 ay umabot umano ito sa P28,000 sa bawat estudyante.
Pinuri naman ng pinuno ng CHED ang iba’t ibang unibersidad sa kanilang mga kapamaraanan kaugnay sa ibinigay na tulong ng gobyerno.
Ibinahagi rin niyang sa Philippine State University umano sa Negros ay tinulungan ng administrasyon ang mga benepisyaryo na magkaroon ng backyard livelihood gaya ng pag-aalaga ng manok, at baboy, gamit ang teknolohiyang mayroon ang Unibersidad.
Hiling na lamang ni CHED Chairman de Vera sa mga unibersidad sa bansa na idokumento kung saan napupunta ang natatanggap na salapi ng mga TES beneficiaries upang may talaan para rito.
Discussion about this post