Kasunod ng patuloy na pagtaas ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod at lalawigan, naglabas ng kautusan ang Provincial Government kaugnay sa mga dapat gawin upang matiyak ang kaligtasan ng lahat partikular na ng mga empleyado ng kapitolyo habang patuloy ang pagseserbisyo nito sa publiko.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 72 na pinirmahan ni Governor Jose Ch. Alvarez, nakasaad na kinakailangang masunod ang ipinatutupad na minimum health protocols upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng nakamamatay na virus.
Kabilang na dito ang paglalagay ng foot bath, paggamit ng non-contact forehead thermometer at hand disinfectant sa lahat pasukan ng kapitolyo at hindi papayagang makapasok ang sinumang may mataas na lagnat, ubo, sipon at iba pang sintomas ng COVID-19.
Kinakailangan ding isulat sa logbook ang ilang mahalagang impormasyon ng sinumang papasok sa kapitolyo tulad ng pangalan, tirahan, edad at contact numbers para sa contact tracing kung kinakailangan.
Nakasaad din sa nasabing kautusan ang pagpapatupad ng skeletal workforce kung saan 50 porsiyento lamang ng mga empleyado ang papasok sa bawat tanggapan sa gusaling panlalawigan at dapat mapanatili ang social distancing sa bawat kawaning magre-report sa opisina para sa kanyang trabaho.
Pansamantala ring hindi papayagan ang mga nagtitinda sa loob ng kapitolyo na umikot at pumasok sa bawat opisina bagkus ay maglalaan na lamang ng isang lugar kung saan pahihintulutan ang mga itong maka-pwesto.
Samantala, kasama rin sa EO No. 72 ng Provincial Government na lahat ng may transaksyon sa Incident Management Team ng PDRRMO at kailangang magpa-appointment muna sa pamamagitan ng mga itinalagang hotline numbers bago papayagang makapasok sa Emergency Operations Center sa VJR Hall.
Inaatasan naman ang mga kawani ng Palawan Rescue 165 at IMT na sumasalubong sa mga umuuwing Palaweño na tiyaking palagiang may suot na Personal Protective Equipment upang mapanatili ang kanilang kaligtasan sa banta ng COVID-19.
Habang ang mga empleyado ng kapitolyo na mayroong exposure sa confirmed COVID-19 patients ay kinakailangan na ipagbigay alam sa kinauukulan partikular sa Provincial Health Office sa pamamagitan ng PESU personnel ang kanilang kondisyon upang agad na mamonitor at maisailalim sa facility quarantine at swab testing kung kinakailangan.
Bilang panghuli, ang lahat ng pagpupulong na isasagawa sa gusaling kapitolyo na may partisipante na lalagpas sa sampung tao ay kinakailangang isagawa sa mga lugar na may maayos na bentilasyon kasabay ang pagsunod sa minimum health standards.
Pero ipinapayo rin base sa inilabas na kautusan ang pagsasagawa na lamang ng mga pagpupulong sa pamamagitan ng internet o video conferences.
Pinapayuhan din ang lahat na palagiang magsuot ng face mask o face shield, maghugas ng kamay at gumamit ng sabon, mag-alcohol o hand sanitizer sa lahat ng oras bilang paunang proteksyon laban sa nakamamatay na virus.
Ang kautusang ito na nilagdaan ng gobernador ay inilabas kasunod ng anunsyong limang indibidwal ang kumpirmadong pinakabagong naitala sa lungsod ng Puerto Princesa na positibo sa COVID-19 kung saan dalawa sa bilang na ito ay pawang kawani ng Pamahalaang Panlalawigan.
Discussion about this post