Tiniyak ng tagapagsalita ng 3rd Marine Brigade na ihahatid na sa kanyang pamilya ang mga labi ng yumaong sundalo sa pananambang kahapon ng hapon.
“Kino-coordinate pa po sa IATF COVID Shield at di man pwede na papasok lang ang aircraft namin pero within this week po ‘yon [maiuuwi ang kanyang mga labi]. Inaayos lang po talaga ang protocol in relation sa COVID-19 naman po,” ang pahayag ni Capt. Orchelyn Bobis, tagapagsalita ng 3rd Marine Brigade.
Sa inilabas na impormasyon ni Capt. Bobis, ang mga biktima sa naganap na sagupaan sa panig ng mga kawani ng MBLT-3 at New People’s Army sa bahagi ng Sitio Ibangley, Brgy. Abongan, Taytay kahapon ay sina Pfc. Cristian Priela Cuarto, Cpl. Remuel N. Redondo, Pfc. Marlon M. Escobar Jr. at Cpl. Charlie Carorocan.
Aniya, patay sa insidente ang 25 taong gulang na si Pfc. Cuatro na mula sa Zone 2, Topaz Sogod, Nabua, Camarines Sur na nasa ikatlong taon pa lamang sa kanyang serbisyo habang ang nabanggit na tatlong iba pa ay pawang mga wounded in action (WIA).
“We mourn but we will continue with our mandate which is to protect the integrity of the state from the evil’s of Communist-Terrorist Group,” ang statement na inilabas ng 3rd Marine Brigade.
Ayon pa kay Capt. Bobis, wala pang kabiyak ang yumaong si Pfc. Cuarto at tinutulungan ang kanyang mga magulang “na makaraos sa kahirapan.” Sa kasalukuyan ay nagtatrabaho bilang OFW ang ina ng biktima.
“Masakit man [ang naganap] pero tanggap na nila [dahil] namatay namang bayani ang anak nila,” dagdag pa niya.
Discussion about this post