Ibinahagi ng Provincial COMELEC ang mga panuntunan sa pagboto sa gaganaping plebisito ngayong Marso 13, 2021 kaugnay ng paghahati ng Palawan sa tatlong probinsiya. Bobtoo sa plebisito ang 23 na munispyo sa lalawigan. Hindi naman kasamang boboto ang Puerto Princesa City.
Ayon kay Provincial COMELEC Spokesperson Jomel Ordas, ang lahat ng kwalipikado at rehistradong botante noong October 21 lamang sa 23 munisipyo ang makakapaboto sa plebesitong gaganapin.
“Unang-una, yung botante natin ngayong March 13 ay yung mga nakarehistro pa nung as of October 21, 2019 na sila dapat yung botante natin nung May 11. At base sa guidelines, yung mga bagong rehistro ngayon ay hindi na makakaboto sa plebisito so [ang] rehistro nila ngayon ay para sa May 2022 local elections natin.”
Sa araw ng plebesito, ang pagboto ay magsisimula ng alas 7 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon. Ngunit, ayon kay Ordas, pahihintulutan pa ring bumoto ang mga tao kahit lampas na sa itinakdang oras basta’t naroon sila sa Voting Center.
“Pagpatak ng 3:00 ng hapon kung wala na ring boboto [at] wala na rin nakalinya pa sa labas i-stop na yan, magclose voting. [Pero] kung meron pang may nakalinya pa pabobotohin pa sila hanggang maubos tapos after na kapag naubos na sila atsaka magsisimula yung counting pero sa guidelines natin dapat 3:00 basta wala nang boboto so iko-close voting na yan.”
Dagdag pa ng guidelines na inilabas ng Provincial COMELEC, ang sinumang nasa 30 metro labas ng lugar ng botohan ay maaari pa ring bumoto. At kapag wala naman ang botanteng tinawag ang pangalan ng poll clerk sa listahan nito ay hindi na siya papayagang bumoto.
Magsasagawa naman ng pag-check ng temperatura ang Philippine National Police o PNP o di kaya ang Armed Forces of the Philippines bago makapasok ang mga botante sa loob ng Voting Center.
“Same procedures din siya ng mga nauna [na plebisito] ang kaibahan niya lang [ay] yung mga additional health protocols ngayon kasi nga may COVID-19 tayo.”
Samantala, ang tanong sa balota na ilalagay ng COMELEC ay “Pumapayag ka ba na hatiin ang probinsya ng Palawan sa tatlong (3) probinsya na pangangalanang: Palawan del Norte, Palawan Oriental, at Palawan del Sur alinsunod sa batas republika bilang 11259?”at katabi nito ang blangkong linya na kung saan ay sasagutan lamang ng mga botante ng YES/OO o NO/HINDI.
Discussion about this post