PUERTO PRINCESA CITY — Kung sa mga nakalipas na panahon umano ay nakatutok lang sa sports ang aktibidad ng mga kabataan, sa ngayon ay hindi lang iyan ang pag-uukulan ng pansin ni SK Chairman Marlon Javier ng Brgy. Bacungan.
Sa kanilang pinakahuling session, nagpahayag ito ng buong suporta para sa edukasyon ng nasasakopang mga kabataan lalo na yung mga out-of-school youth o OSY at adults sa pamamagitan ng Alternative Learning System o ALS.
Ayon kay Javier, na may hawak ng Committee on Education sa SK city federation, nais niyang baguhin ang emahe ng sangguniang kabataan sa mga programang ipinatutupad sa nakalipas na mga panahon na puro lamang sports activities ang proyekto.
Dahil dito, matapos nitong personal na makausap si Dr. Dalisay Laquiorez, Education Program Specialist for ALS, agad niya itong inimbita na dumalo sa kanilang regular na session upang magkaroon pa sila ng karagdagang kaalaman sa programa nang malaman din nila kung paano sila gagawa ng hakbang sa gagawing suporta.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Laquiorez kay Javier bilang kauna-unahang lider kabataan sa Puerto Princesa na nagpakita ng malasakit sa kapwa kabataan na hindi nakatapos ng pag-aaral sa iba’t ibang mga kadahilanan.
Discussion about this post