Nanindigan si LIATF Spokesperson at City Legal Officer Norman Yap na wala nang dapat pang pagtalunan sa bilang ng pasaherong isasakay sa traysikel ngayong nasa Modified ECQ extension ang siyudad sapagkat malinaw na itong nakasaad sa National Omnibus Guidelines.
Sa live press briefing kahapon, inihayag ni Yap na sa naganap na emergency meeting ng Local IATF kahapon ng umaga, isa sa masinsinan nilang tinalakay ay ang bilang ng sakay ng tricycle–kung isa pa rin o madagdagan na.
Paliwanag niya, kung siya umano ang tatanungin, bilang City Legal Officer, dapat respetuhin ng drayber at ng ibang pasahero ang karapatan ng naunang pasaherong sakay ng traysikel. Aniya, dapat mag-usap muna ang drayber at ang naunang pasahero kung payag ba siya o hindi na magpasakay ng iba pang pasahero.
Ani Yap, nararapat na igalang kung ayaw ng naunang pasahero na may iba pang sakay ang traysikel upang mapanatili ang social distancing at maiwasang siya ay mahawaan ng COVID-19.
Maaari lamang na magsakay ng hanggang tatlo, alinsunod sa existing ordinance ng lungsod, kung iwi-waive ng unang sakay ang kanyang karapatan sa kalusugan at mapagkakasunduan ngunit hindi umano dapat na pilitin kapag siya ay tumanggi.
Discussion about this post