Sa pamamagitan ng ibinabang Executive Order No. 26, s.2021 ng Tanggapan ng Punong Lungsod ng Puerto Princesa ngayong araw ay naisapormal na ang pagbuo ng COVID Sheriff Program sa lungsod.
Layon ng programa na mahigpit na maipatupad ang mga batas upang masugpo ang paglaganap ng COVID-19, ang mga ordinansa at mga panuntunan.
Sa ngayon ay paunang naitalaga na ng IMT ang nasa 20 porsiyento ng mga COVID sheriff sa mga kritikal at matataong lugar sa lungsod.
Ayon naman kay IATF Spokesperson Norman Yap, sa live COVID update ngayong araw, soft deployment pa lamang ang naganap sa nasa 100 katao sapagkat wala pa silang pormal na pagsasanay. Ito umano ay sa kadahilanang kabababa lamang ng executive order ukol dito ngayong hapon.
Samantala, kasama rin sa EO 26 na naipaskil sa social media page ng CIO ay ang “Annex A” o ang Abiso ng paglabag kung saan makikita ang partikular na paglabag gaya ng hindi pagsusuot ng facemask at faceshield, paglabag sa liquor ban, paglabag ng establisyimento, hindi pagsunod ng curfew, at ang pagsuway sa Sec. 9 ng RA 11332 o ang “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.” Pipirma naman dito ang dalawang COVID sheriff para sa kaukulang rekomendasyon at gayondin ng nahuling lumabag na indibidwal.
Discussion about this post