Patuloy nang nakaantabay ang mga miyembro ng Puerto Princesa City Tourism Office, Banwa Dance and Arts, ganun din ang mga estudyante ng Hospitality and Tourism students ng Palawan State University (PSU) sa paliparan ng lungsod upang iparamdam ang mainit na pagsalubong sa mga lalahok sa IRONMAN 70.3 na nagmula pa sa iba’t ibang mga bansa.
Masaya namang ibinalita ng Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron sa isinagawang pagpupulong ng LGU Committee chairman at members ng IRONMAN 70.3, Nobyembre 2, na nasa 1,219 indibidwal na ang nag-rehistro para sa naturang triathlon event.
Sa opening program ng Subaraw Biodiversity Festival 2022 sa SM City Puerto Princesa, kagabi, Miyerkules, Nobyembre 9, ipinahayag naman ng alkalde na nasa 1,221 na ang mga naka-rehistro, pawang nalampasan na ang naunang quota na 1,200 triathletes para sa naturang IRONMAN 70.3 triathlon event.
Ayon naman sa mga kapulisan ng Puerto Princesa, sinisiguro nito ang kaayusan at katahimikan ng lungsod, seguridad ng mga lalahok at ng mga panauhing dadalo, maging ang mga gamit nito.
Ang Philippine Coast Guard naman ay nagpaabot din ng kanilang serbisyo sa pagsiguro ng mga atleta sa baybayin ng Puerto Bay simula sa pag i-ensayo nila hanggang sa araw mismo ng karera.
Binuo naman at ikinasa na ng Emergency Response Center sa pangunguna ng CDRRMO at ilang mga ahensya na nakapaloob dito upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng bawat isa, maging sa medikal na pangangailangan, kasama na rin ang Incident Management Team at City Health Office ng lungsod.
Samantala, nailatag na din ang magiging set-up sa mga lansangan na dadaanan ng mga manlalaro.
Nagpalabas na ng mapa ng pagsasara ng ilang mga kalsada at ang pagbibigay ng mga alternatibong ruta para sa mga mananakay at mga drivers ng mga pampubliko at pribadong sasakyan.
Kasalukuyan namang tinatapos na ng City Engineering Department ang ilang mga pangunahing istruktura na kinakailangan sa palaro.
Samantala, patuloy pa din ang panghuhuli ng mga gala na hayop ng pamunuan ng City Veterinary Office sa kahilingan na din ng mga punong barangay na madadaanan ng IRONMAN 70.3 Puerto Princesa–ito ay para maiwasan na rin ang anumang insidente ng paghabol ng mga aso o pagkagat naman sa mga partisipante.
Discussion about this post