Positibo ang LIATF na pagbibigyan ng Regional IATF ang kahilingan nilang pitong araw na pagpapalawig ng travel restrictions sa Puerto Princesa buhat sa NCR na tinawag nilang “Transition Travel Ban.”
Sa live press briefing kahapon ng hapon ng City Government kung saan bisita ng City Information Department sina IMT Commander Dean Palanca at LIATF Spokesperson at City Legal Officer Norman Yap, muling tinalakay ang laman ng LIATF Resolution No. 49.
Ayon kay Yap, naipadala na nila noong June 14 ang nasabing kahilingan at sa tingin nila ay maaprubahan umano ang extension matapos ang two-weeks travel ban na matatapos sa June 16 at maipagpapatuloy hanggang June 23.
“Ito ay bilang transition lang kasi nagdadahan-dahan tayong nagbababa ng ibang measures–‘yong curfew, bumaba natin, ‘yong barangay checkpoint tinanggal natin. So, maaaring tumaas ang mobility sa mga susunod na araw kahit tayo ay nasa MECQ kaya mayroong tinatawag na transition Travel Ban,” aniya.
Dagdag pa ng opisyal, kapag naaprubahan, ay hindi pa rin papayagang makauwi ang mga residente ng Puerto Princesa at Non-national government APORs na ngayon ay nasa NCR Plus Bubbles.
Aniya, habang ito ay umiiral, ang mga papagayan lamang ay ang mga national government APORs, ROFs, cargo/logistics movement, at medical emergency travels.
Pagkatapos naman umano ng seven day extension ay pag-aaralan na ng LIATF ang kasunod na hakbang gaya ng kung posibleng maalis na ng tuluyan ang travel ban sa kondisyon na ibalik din ang pagku-quarantine sa mga darating. Bagamat hindi pa malinaw kung aakuin ng siyudad ang bayad sa quarantine facility at ang pagkain ng kanilang mga residente, gaya ng dati.
“Kung ito man ay mawala itong travel ban, hihilingin natin na maibabalik ‘yong quarantine protocols ng mga arriving travelers at sana po payagan tayo….Hindi natin pwedeng ipagbawalang-bahala ‘yong quarantine protocols gawa ng mayroon pa rin tayong outbreak,” giit ng City Legal Officer.
At higit sa lahat umano, kabilang sa mabigat na magiging batayan ng kanilang desisyon ay hindi na aakyat pa ang kaso ng COVID o mga casualty sa lungsod upang mapagbigyan na ang matagal ng kahilingan ng mga taga-lungsod na sa ngayon ay naroon sa Metro Manila na nais nang umuwi.
Sa ngayon umano ay “plateau” ang data na kanilang nakikita sa kaso ng COVID-19 sa Puerto Princesa kaya hindi pa malinaw at posible pang anumang oras ay tataas ang bilang.
Bunsod nito ay binabantayan nila ng husto ang sitwasyon. Umaasa na lamang umano silang walang malaking pagbabago sa mga araw na iyon upang maaalis na nang tuluyan ang travel restriction, basta’t may kapalit lang na quarantine.
Sa muli ay nilinaw ng LIATF na kung manggagaling ang isang byahero sa isang lugar na hindi sa NCR Plus Bubbles ay maaari silang pumasok sa lungsod. Kinakailangan lamang na maibigay ang mga requirement gaya ng negatibong resulta ng RT-PCR, magparehistro sa Stay Safe at S-Pass upang makapag-ugnayan sa IMT at upang ma-facilitate ang symptoms screening sa kanilang pagdating sa lungsod.
Ngunit ipinaliwanag ni Yap na ngayong MECQ ay essential travels lamang ang pinahihintulutan at wala pa ang leisure travels, may travel ban man o wala.
Samantala, sa press briefing naman kahapon, tinuran din ng tagapagsalita ng IATF ng Puerto Princesa ang kahilingang pagpapalawig sa travel ban ay upang hindi rin mabigla ang mga health frontliners sa pagdating ng mga residente ng siyudad mula NCR.
Hindi naman saklaw ng umiiral na travel ban at extension nito ang mga papasok sa munisipyo ng Palawan at ang mga byahe palabas ng siyudad at lalawigan.
Discussion about this post