Inulan umano ng mga negatibong komento sa social media site na Facebook kamakailan si City Information Officer Richard Ligad dahil sa kumakalat na larawan ng isang kawani ng lokal na gobyerno sa Lungsod ng Puerto Princesa na walang plaka ang motorsiklo.
Ani CIO Ligad ay ayos lang sa kaniya ang mga batikos ng netizens kung ang mahigpit na pagpapatupad ng batas ay nakaliligtas ng buhay ng mamamayan.
“Ulanin man tayo ng bashers [ay] okay lang ‘yun. Hindi ‘yun makakapagpigil [ang mga negatibong komento] para doon sa nais nating ipatupad ‘yung tama [na may lisensya at plaka ang mga motorsiklo]. Hindi naman mahalaga ‘yung sabihin ng bashers kahit isang libo ‘yan, ang importante lang naman ay ang buhay ng isang tao eh masaya na ako doon…’pag nawala ang isang tao, papaano ‘yung pamilya niyan ‘di ba? So ‘yun ang mahalaga sa akin,” ani Ligad.
Ayon sa CIO, marami ang mga nagmamaneho na walang lisensya na siyang madalas na dahilan ng mga aksidente dahil hindi dumaan sa tamang training o seminar ang mga walang lisensya.
“…kasi ang iba [na mga driver ay] hindi talaga alam ang gagawin dahil walang seminar [o] walang proper na learning na nakuha sa LTO…so okay lang ‘yan yung [mga] basher…Ang importante eh mayroon tayong nasasagip na buhay dahil walang naaaksidente,” paglalahad nito.
Ang iilan sa mga diver na nahuli at nakompiska ang motor ay naglalabas na lamang ng sama ng loob sa social media subalit ito ay hindi hadlang sa pagpapatupad ng batas ayon kay Ligad.
“Sabihin na lang natin ‘yung ibang nahuli [na mga driver] eh masama talaga yung loob [sa nangyari kaya naman] ‘yun sa Facebook tumatakbo…ginawa lamang natin ang trabaho natin ipinatupad lang natin yung tama na maaaring sa iba akala nila ‘yun ang mali at ang mali ay tama so hindi ‘yun uubra [ang pangbabash nila sa akin],” pahayag ni CIO Ligad.
Isinaad pa niya na ang larawang kumakalat ng paglabag sa batas ng isang kawani ng gobyerno ay hindi makatotohanang nangyari sa araw na ipatupad ang mga checkpoints.
“Hindi naman [siya] nahuli sa checkpoint…pero bawal din ‘yung ginawa niya [na magmaneho ng motor na walang plaka]. Isa siyang garbage supervisor. So ‘yung sinasabi walang katotohanan ‘yun na dinaanan niya ‘yung checkpoint [nang hindi nasisita]. Kung nadaan ‘yun sa checkpoint huli ‘yun…Tska ‘yun araw ng linggo nangyari, nagpatupad tayo [ng mga checkpoints noong] araw ng Lunes,” dagdag na pahayag pa nito.
Discussion about this post