Handa na ang mga mamamayan ng Puerto Princesa para sa halalan sa Lunes, Mayo 13, kung saan mamimili sila ng congressman mula sa dalawang kandidato, mayor mula sa anim na tumatakbo, vice mayor, at 4 hanggang 12 na konsehal mula sa 29 na nanghihingi ng kanilang boto.
Ayun sa mga nakausap ng PDN, merong naghahanda ng kodigo para mas madali ang pagmarka sa balota. “Nililista na namin ang mga iboboto naming,” saad ng isa. Pero meron pang hindi nakakapagdesisyon. “Nakikiramdam ako sa paligid kung sino ba talaga ang iboboto ko” at “kinikilatis talaga natin ang mga tumatakbo para sa posisyon sa gobyerno.”
Nang tanungin kung ano ang mga katangiang hinahanap nila sa mga nais nilang mailuklok sa posisyon, “ang gusto ko lamang ay yung mapagkakatiwalaan, yung naglillingkod nang hindi dahil sa pera kundi dahil sa gustong maglingkod sa bayan,” sagot ng isang ginoo.
Ito rin ang hinahanap ng karamihan pati na rin ang dedikasyon, pusong maka-tao, at ang may adhikaing lalo pang umunlad ang lungsod at ang patuloy pang pagpapabuti ng kalagayan ng mga Palaweño.
Pati ang mga naatasang maging parte ng electoral board ay kumpyansa nang maitatawid ang eleksyon nang maayos at mapayapa. “Basta sumunod lang tayo sa proseso ng pagboto para masiguradong maayos at mabilis ang pagboto at hindi tayo gaanong maabala at kung may problema, magsabi kaagad sa mga watchers. Hangga’t maari iwasan muna natin na ayusin nang tayo lang kasi baka lumala lalo na kung tungkol sa balota” paalala sa mga botante mula sa isang guro.
Inaasahan ng mga mamayan na maging mapayapa ang darating na eleksyon dahil sa mga pagpapaigting sa seguridad na kanilang nasaksihan sa lungsod sa nagdaang panahon. Ang tanging hiling lamang ay maging patas ang laban at mailuklok ang mga taong may puso para sa Puerto Princesa at sa sambayanang Pilipino.
Tumatakbong congressman ay sina: Gil Acosta Jr. at Fouglas Hagedorn. Para naman mayor ay sina: Antonio Arosio, Lucilo Bayron, Jimmy Cañete, Edmundo Katon, Luis Marcaida III, at Elly Oloroso. Sa pagka-bise alkalde naman ay si: Nancy Socrates. Sa pagkakonsehal ay sina Gerry Abad, Gerry Abordo, Ryan Abueme, Jean Lou Aguilar, Bobot Almasco, Rolando Amurao, Nesario Awat, Silverio Blas, Cristy Buenafe, Jimmy Carbonell, Roger Castro, Miguel Cuaderno, Elgin Damasco, Earl Dela Cruz, Herbert Dilig, Eleutherius Edualino, Henry Gadiano, Bro Gaspar Gaspar, Patrick Hagedorn, Tehani Hernandez, Jimbo Maristela, Matt Mendoza, Victor Oliveros, Andrew Pe, Oliver Reynoso, Mong Sayang, Michael Tan, Roy Ventura, at Rodel Yara. (By Ira Patricia Alitagtag)
Discussion about this post