Hinikayat ng Palawan Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ang natitirang kasapi ng CPP-NPA dito sa lalawigan ng Palawan na magbalik loob sa gobyerno lalo na ngayong panahon na magpa-Pasko na.
Ayon kay Colonel Stephen Penetrante ng PTF-ELCAC, iisa ang hangarin ng gobyerno at ng mga dating kasamahan na NPA na una nang sumuko—na iwanan na ang nakasanayang ipinaglalaban ng grupo.
“Patuloy yung panawagan po ng ating gobyerno [at] ng PTF-ELCAC [sa] mga naliligaw pa po ng landas. Magpa-Pasko po tayo… Magbalik loob na po [sa gobyerno] sapagkat ‘yun din ang naisin loobin ng pamilya ng mga sumuko… Nais din nila na makasama ‘yung kanilang mga mahal sa buhay na naliligaw ng landas sapagkat alam po nila na wala naman palang katotohanan, wala naman palang katuturan ‘yung kanilang pinaglalaban,” ani Penetrante.
Binigyang diin ni Col. Penetrante na kaunti na lamang ang natitira na kasapi nito sa kabundukan ng Roxas base na rin sa pahayag ng limang sumuko na dating NPA.
“Kakaunti na lang po sila ayon po doon sa mga limang sumuko po [noong] nakaraang araw nung iniwan po nila yung kampo dyan sa kabundukan ng Roxas. Sa area pong ‘yan ay 20 na lamang po sila, sumuko na po yung lima, ilan na lang po yung natitira? 15 na lamang po sila dyan, ayon po ‘yun sa mga sinabi ng ating mga sumuko [at] nagbalik-loob na mga former rebels po,” pahayag ni Penetrante.
Tahasang binanggit ng opisyal na kasinungalingan ang mga pangako ng CPP-NPA sa kanilang mga kasapi dahil tanging mga lider lamang nila ang nakikinabang sa mga nakokolektang pera mula sa mga negosyante.
“‘Yung mga lider lamang po nila [ang] tumatamasa sa mga perang na-extort sa mga negosyante, samantalang ‘yung kanilang mga supporter ay patuloy na naghihirap sa bundok, nagugutom, at pagkatapos po [ay] hindi naman nila sinusunod ‘yung kanilang mga pangako, nalilinlang lamang po sila,” dagdag na pahayag ni Penetrante.
Discussion about this post