Patuloy na pinaghahandaan ng Local Government Unit (LGU) ng Puerto Princesa City ang gagawing pagbakuna kontra COVID-19. Kasama rito ang information dissemination. Ayon kay City Health Officer at Chairman ng Puerto Princsa City COVID-19 Vaccination Council (PPC-COVAC) Dr. Ricardo Panganiban, nagsagawa sila ng pagpupulong noong Pebrero 5 sa City Coliseum kasama ang mga Barangay Health Workers na inatasang magsagawa ng pagbabahagi ng impormasyon ukol sa COVID-19 vaccines sa kanilang mga nasasakupan.
“Tuloy-tuloy na po yung preparation. In fact, nagkaroon kami ng orientation doon sa ating mga health workers. Kasi tini-train na natin sila para pagbalik nila sa kanilang mga barangay [ay] sila na po ang magbibigay ng information dissemination doon sa atin mga eligible population.”
Dagdag pa nito na maaaring magbigay ng mga ‘flyers’ ang lokal na pamahalaan para maibahagi ang tamang impormasyon ukol sa COVID-19 vaccines dahil marami ang nagdadalawang isip na magpaturok ng bakuna.
“May mga nurses kasi kami sa mga barangay — nurses at midwives. So after itong training namin sa kanila, sila na po yung kung saan kang barangay naka-assign eh in charge ka na magkausap kay kapitan, mga barangay officials, sa mga purok officials. Bahala ka, diskarte mo yun kung paano mo sila i-educate.”
“Lecture po yun siya. Maaaring may ipamigay din po kami na mga flyers para konting basa-basa. May ipapakita kaming video mga ganun pero lecture po siya kasi meron siyang question and answer after [para maitanong] kung ano ang gusto niyong malaman [tungkol sa pagbabakuna kontra COVID-19.“
Nananawagan naman si Dr. Panganiban na magsaliksik upang lumawak ang kaalaman ukol dito at ‘wag maniwala sa mga ‘fake news’ na kumakalat sa social media.
“Para sa ating mga kababayan, join po tayo ng mga forum [at] magbasa-basa, [sumubaybay] sa mga balita sa social media ‘wag lang po yung fake news ang tinitingnan niyo. Karamihan mga fake news sa social media eh kaya negative tuloy ang dating nung bakuna. Yun dapat yung tamang impormasyon ang alamin natin.”
Discussion about this post