Inanunsyo ng Department of Health na posibleng magkaroon ng dalawang variant ng COVID-19 ang isang tao gaya ng nadiskubre sa Southern Brazil.
“Ang ating mga eksperto ay nagsabi na rin na mayroon talagang probability o may posibilidad na magkaroon ng dalawang klaseng variant ang isang tao. Ngunit wala pa naman tayong nakikitang ganyan sa ating mga ginagawang test,” pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa Public Briefing ng PTV.
Dagdag pa ni Usec. Vergeire, tanging UK variant pa lamang ang naitala sa bansa.
“Wala pa po tayong nakikita na ibang variant which is public health significant o makakaapekto po dito sa pagkakahawa-hawa or highly transmissibility. Hanggang sa ngayon nakikita pa rin po natin yung 17 nade-detect which has B.1.1.7 na variants which is the UK variant,”
Ayon naman kay Dr. Faye Erika Labrador, Palawan Provincial Health Officer, mas pinaiigting sa ngayon ang pagbabantay sa mga border ng lalawigan para hindi mapasukan ng bagong variant. Lalo na at may insidente na nakapasok sa ng Palawan ang isang residente ng Brooke’s Point galing sa bansang Malaysia at nagpositibo sa COVID-19.
“Ngayon po with the new variant mayroon kaming another protocol for operation po ng mga kaso ng new variant. Yung mga kino-consider naming na mga posibleng may new variant we send them for genome sequencing po sa Maynila sa RITM po yan.”
“Ang atin pong gobernador ay talagang simula po nun nag-exist yung new variant lalo na yung dito malapit sa Malaysia, pinaigting po talaga ang seguridad ng ating mga border. Kaya po sila Mr. Jerry Alili ang head ng PDRRMO ay patuloy na naglilibot at nagmamasid po para hindi makapasok itong variant na ito sa ating lalawigan.”
Nakapagtala na ng bagong variant COVID-19 sa bansang Malaysia na kahalintulad ng sa South Africa, Australia at Netherlands. Sinasabi na mayroon nito sa bahagi ng Sabah, Malaysia na malapit sa ating lalawigan.
Discussion about this post