Tatanggap na sa araw ng Lunes, September 9, 2019, ng mga kliyente ang binuksang Mini City Hall sa Bgy Macarascas dito sa Lunsod ng Puerto Princesa.
Seserbisyuhan nito ang mga residente mula sa walong barangay ng syudad na kinabibilangan ng Bgy Salvacion, Bahile, Macarascas, New Panggangan, Tagabinet, Cabayugan, Marufinas at Buenavista.
Ayon kay Mayor Lucilo Bayron ang pagtatayo nito ay isang estratihiya dahil sa laki ng lungsod kung saan mahirap maabot ang ibang mga barangay kaya kailangang magtayo ng mini city halls sa mga estratihikong lugar sa syudad.
Sinabi pa ni Bayron na panahon na para makahabol ang ibang barangay na napag-iwanan na dahil sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng atensiyon ang mga malalayong barangay.
Kinumpirma rin ng Alkalde na dadalhin ng Pamahalaang Panlunsod sa mini city hall ang lahat ng mga serbisyo na mayroon sa City hall.
Sa buong isang linggo ay may mga tauhan mula City Engineering Office na mag-oopisina sa mini city hall para tumugon sa problema sa mga kalsada, gayundin ang City Agriculture Office para matutukan naman ang mga magsasaka.
May nakatalaga ring mga taga-City Social Welfare and Development Office, City Health Office at Philippine National Police.
Maliban pa ito sa ibang opisina ng Syudad na may itatalagang mga tauhan sa kanilang itinakdang araw.
Kaugnay nito ay nagbanta si Bayron sa mga tanggapang matatalaga sa mini city hall na hindi aayusin ang serbisyo sa taong bayan na babawasin nito ang kanilang pondo.
Maliban sa pagbabawas ng pondo at paalala sa ang mga empleyado, posibleng masuspende ang o palitan ang department head ng tanggapan.
Samantala inamin naman ni Bayron na maraming problema ang maaring kaharapin ng mini city hall kaya inatasan na niya umano si Dating City Councilor Modesto Rodriguez III na siyang namamahala sa mini city hall na ayusin kaagad ito at huwag hayaang lumaki pa pero kung hindi nito kayang ayusin ang problema ay agad na ipaabot sa kaniya.
Tiniyak niya rin na gagamitin niya ang lahat ng kanyang kapangyarihan para masiguro na hindi mabibigo ang pagtatayo ng mga mini city hall.
Ang Mini City hall sa Bgy Macarascas ay isa lamang sa apat na mini city hall na planong itayo ng City government para maihatid sa taong bayan ang mga basic services.
Sa Lunes ay posibleng dumalo ang alkade sa kauna-unahang flag raising ceremony na gaganapin sa bagong bukas na mini city hall.
Discussion about this post