Target ng City Goverment na gawing isang international event ang Subaraw Biodiversity Festival sa susunod na taon.
Ayon kay Mayor Lucilo Bayron, ito ay sa pamamagitan ng pag-imbita nito sa mga Sister City ng syudad sa ibang bansa na magpadala ng mga kalahok.
“Siguro isang target namin yung mga sister cities sa China, sa Thailand at sa Korea, imbitahin natin,” giit pa ni Bayron.
Sinabi ni Bayron na sa ngayon ay kailangang gawing malaking national event ang festival dahil kung magagawa ito ay tiyak na magkakaroon ng mga international participants.
“Ito national na, tuloy-tuloy na’to, hindi na maawat ito. Ngayon kinakailangan gawin natin siyang pinakasikat na national event, pagnagawa natin yun parang awtomatik magkakaroon tayo ng guest na international, sasali sa atin,” dagdag pa ni Bayron.
Sa katunayan ngayon umano ay nadidinig-dinig dahil mayroon nang mga kalahok sa ibat-ibang patimpalak na taga-ibang probinsiya tulad na lamang ng mga kalahok sa Miss Subaraw 2019 na may nagmula sa Bulacan, Laguna at Zamboanga.
“Medyo nadidinig-dinig na ang Subaraw Festival kaya kung pagtutulungan talaga natin, ng mga mamamayan i-post sa social media para mapasikat natin kasi ang makikinabang dito ay ang salinlahi, kapag sikat na ito sila talaga ang makikinabang,” dagdag pa ni Bayron.
Matatandaang sinabi ni Puerto Princesa Underground River Park Superintendent Elizabeth Maclang na tumaas ang tourist arrival sa Puerto Princesa Underground River dahil sa mga promosyon tulad ng Subaraw Festival.
Discussion about this post