Malaki ang magiging kaginhawaan umano sa mga miyembro ng Social Security System ng Palawan sakaling maipatupad na ang kabuuang digitalization services nito, dangan nga lamang ang magiging balakid dito ay ang maayos, mabilis at pagkakaroon ng internet services sa lahat ng dako ng lalawigan.
Ang lalawigan ng Palawan ay nakasitwasyong pahaba sa mapa ng Pilipinas at binubuo ng mga bundok at mangilan-ngilan lamang ang mga bayang mayroong kapatagan, at ito ay napapalibutan ng karagatan.
Sinabi ni Abdultalib A. Abirin, ang pinuno ng SSS Palawan, sa kabila ng ilang mga isyung nagpapabagal sa kanilang paghahatid serbisyo, iba’t – ibang mga istratehiya na ang kanilang ipinatutupad upang maabot lamang ang kasulok-sulukang bahagi ng lalawigan para sa mga miyembro ng SSS.
Ipinagpapatuloy din ng SSS Palawan ang kanilang kolaborasyon sa mga lokal na pamahalaan upang makaagapay sa kanilang ninanais na maihatid na serbisyo sa mga miyembro ng Social Security System.
Napag-alaman na nagpahayag si SSS President and CEO Michael Regino na unang prayoridad nila ang pagiging digitalized sa paghahatid ng serbisyo hanggang sa mga susunod na taon. Dagdag pa ng Social Security System, plano na umano nilang dagdagan ang kanilang online services, dahil sa kasalukuyan ang ilan sa mga online services nila ay ang MY.SSS PORTAL, SSS MOBILE APP, TEXT-SSS, uSSSap Tayo Portal, aTSelf-service Express Terminals.
Sinabi ni Regino, mahigit 52 milyong transaksyon ang natanggap nila noong 2021 maliban sa mga inquiries, na kung saan itinuturing na 43.52 milyon o nasa 82.7 porsiyento sa mga transaksyon ay ginawa online.
Discussion about this post