Kinikilala ng Department of Health (DOH) na ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng HIV sa Pilipinas ay malaki ang ugnayan sa pakikipagtalik ng mga kalalakihan sa kapwa nilang lalaki.
Batay sa datos ng DOH, humigit-kumulang 95% ng mga bagong kaso ng HIV ay naitala sa mga kalalakihang na may kapwa kalalakihan bilang sexual partners, at hindi mula sa mga babaeng sex worker gaya ng dating inaakala.
Sa isang panayam, sinabi ni DOH Secretary Ted Herbosa na “Ang malaking porsyento ng bagong HIV cases ay mula sa men having sex with men. Hindi ito nanggagaling sa sex workers na babae.”
Nakababahala ang datos lalo na’t karamihan sa mga tinatamaan ay mga kabataan sa edad 15 hanggang 25, isang demograpikong kritikal sa hinaharap ng bansa.
Sinabi pa ni Herbosa na ang Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng HIV sa buong mundo, isang situwasyon na tinuturing na “nakakaalarma” ng mga eksperto.
Bagamat may stigma pa rin na nakapalibot sa mga isyu ng HIV at LGBTQ+ community sa bansa, hinihikayat ng DOH ang mas bukas na pag-uusap upang matanggal ang maling impormasyon at mapabuti ang kalusugan ng lahat.
Hindi lamang sa medikal na aspeto dapat pagtuunan ng pansin ang pagtaas ng HIV cases. Kadalasang tinatalakay din ang papel ng lipunan at edukasyon sa pagpigil sa pandemya ng HIV. Sa kabila ng mga kampanya, nananatiling mahina ang comprehensive sexual education sa maraming paaralan sa bansa, partikular sa mga lalawigan kagaya ng Palawan.
Sinusubukan ng ilang NGOs at advocacy groups na punan ang kakulangan sa edukasyon sa pamamagitan ng community outreach, lalo na sa mga kabataan at marginalized groups.