Ibinunyag ni Atty. Jimbo Maristela na hindi tama ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) ng Puerto Princesa City, ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA). Sa press conference noong Abril 24, sinabi niyang hindi nagagamit ang malaking pondo sa mahahalagang pangangailangan gaya ng mga silid-aralan, bayarin sa tubig at kuryente, sports development, at allowances ng mga guro.
Ayon sa 2023 COA report, umabot sa ₱240 milyon ang hindi nagamit na pondo at halos ₱44 milyon naman ang halaga ng mga nakatiwangwang na proyekto. Binanggit din niya ang kakulangan ng mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan, ayon sa DepEd Superintendent Laida Mascareñas.
Pinuna rin ni Maristela ang Local School Board sa paggamit ng SEF, kung saan 51% lamang ng pondo ang nagastos noong 2023. Hinimok niya ang administrasyon ni Mayor Lucilo Bayron, na chairman ng Local School Board, na tutukan ang wastong paggamit ng pondo.
Nilinaw rin ni Maristela na hindi pulitika ang motibo niya, kundi tungkulin lamang niyang ipaalam sa publiko ang tamang impormasyon batay sa dokumentadong ulat ng COA.