Umani ng positibong reaksyon ang pagkakapasa sa pinal na pagbasa sa Kamara ng panukalang batas na pagtatakda ng National Hijab Day para sa mga kapatid nating Muslim.
Ang pagsusuot ng Hijab ng mga kababaihang Muslim ay labis na binibigyang pagpapahalaga ng mga residenteng Muslim na ngayon ay naninirahan na sa iba’t- ibang bayan ng lalawigan. Karamihan sa mga kapatid na Muslim ay matatagpuan sa mga bayan ng Bataraza, Brooke’s Point, Narra at Taytay, Palawan.
Nabatid na umabot sa bilang na 274 ang sumang-ayon sa nabanggit na panukala at walang tumutol sa Mababang Kapulungan kaugnay ng House Bill 5693 na deklarasyon tuwing sasapit ang Pebrero 1 ng bawat taon bilang National Hijab Day.
Layunin ng naturang panukala ang maiwasto ang maling paningin ng mga Muslim o non-Muslim sa pagsusuot ng Hijab at mawala ang diskriminasyon sa mga nagsusuot nito na nagiging kaakibat ng terorismo.
Nakasaad sa HB 5693 ang instruksyon sa National Commission on Muslim Filipinos para sa pagpapatupad ng naturang panukala sa sandaling ito ay ganap nang isang batas.
Itinuturing na isang mahalagang bagay para sa mga kababaihang Muslim ang pagsusuot ng Hijab (belo) o panakip sa mukha.
Discussion about this post