Huli ng pinagsanib na pwersa ng City PNP Station 1 at City Intelligence Unit ang mag live-in partner na umano’y sangkot sa COVID Aid Scam sa lungsod.
Kinilala ang mga suspek na sina Shellamae Sumandal Oldinar, 21 anyos, service crew at residente ng Barangay Manggahan kasama ang partner nito na si Jerald Fernandez Ortigoza, 28 anyos, tricycle driver at residente naman ng Barangay Tiniguiban.
Sa ulat mula sa pulisya, pasado alas onse kanina nang mahuli sa isinagawang entrapment operation ang dalawa sa isang sangay ng M Lhuillier sa Barangay San Manuel.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na naghinala ang isang empleyado ng money remittance matapos na mag-claim ang mga suspek ng pera gamit ang transaction code at pangalan ng isang indibidwal.
Ayon sa empleyado ng money remittance na tumangging magpabanggit ng pangalan, na-claim na ng lehitimong tao ang pera na kinukuha sana ng mga suspek.
Dahil dito, agad silang humingi ng tulong sa pulisya at ikinasa ang entrapment operation na naging positibo naman ang resulta.
Napag-alaman din na bago sila mahuli, tatlong beses nang nakakuha ng pera ang mga suspek gamit ang iba ring pangalan at transaction code na galing umano sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang nasabing ayuda dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakumpiska sa mga ito ang walong libong piso at iba’t-ibang uri ng ID na may iba’t-iba ring mga pangalan.
Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso upang matukoy kung may iba pang sangkot sa panloloko at pananamantala kaugnay sa COVID Aid.
Discussion about this post