Isang bangkay ng babae ang natagpuan ng mga kinauukulan sa isang masukal na bahagi ng Brgy. Malcampo, Roxas, Palawan kahapon ng gabi.
Sa spot report buhat sa Palawan Police Provincial Office (PPO), nakasaad na bandang ika-6:30 PM kahapon, Mayo 31, nang iulat ni Kapt. Franklin Reyes ang nasabing insidente sa himpilan ng Roxas Municipal Police Station.
Agad naman umanong umaksyon ang mga otoridad at tinungo ang pinangyarihan ng krimen at doon na tumambad sa kanila ang wala ng buhay na ginang na may tali ng scarf sa kanyang leeg na kung saan, kalahati ng kanyang katawan ay natatakpan ng mga tuyong dahon at ng dalawa niyang mga wala ng lamang mga pitaka.
Kinilala ang biktima na si Gng. Salvacion Padul Saclet, 56 taong gulang, self-employed at residente ng Brgy. San Jose, Roxas habang ang suspek naman ay kinilalang si Ernie “Ernie Solotan” Gonzalez, 23 anyos, may kinakasama, isang vendor, residente ng Brgy. Tabon, Quezon na ngayon ay pansamantalang nakatira sa Sitio Sambuton, Barangay 3, Roxas, Palawan.
Sa ginawang imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman umanong bandang alas dos ng hapon kahapon nang sunduin ng suspek ang biktima sa kanilang tahanan para sa massage services at dinala siya sa Brgy. Malcampo. Ngunit, bandang 2:00 PM umano ay nakita ang suspek ng kanyang mga kapitbahay na sakay sa isang motorsiklo na minamaneho ng nagngangalang Eusebio patungo sa Poblacion sa nasabing munisipyo.
Napag-alamang kinuha ni Gonzalez si Eusebio upang ihatid siya sa Barangay 2, Roxas sa halagang P200 at dahil doon ay naging person of interest siya ng mga otoridad. Natagpuan naman siya sa nirerentahang kwarto, kasama ang kanyang live-in partner sa nabanggit na pansamantala nilang address.
Sa isinagawa umanong follow-up investigation ay sinabi ng asawa ng ginang, na sinuportahan din ng ilang mga kamag-anak, na ang purple scarf na ginamit sa pananakal ay pagmamay-ari ng suspek dahil nakita nila itong suot-suot ng suspek nang sunduin ang biktima. Binanggit din ng mga kaanak na may dalang salapi ang biktima na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P7,000 ngunit wala na sa kanyang pitaka habang nakita naman sa bulsa ng suspek ang P3,000 na pinaniniwalaang bahagi ng nasabing perang ninakaw niya sa ginang.
Bunsod nito ay sinampahan ng kasong Robbery with Homicide ang suspek na sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Roxas MPS dahil sa nakitang sapat umanong mga ebidensiya.
Discussion about this post