Patay ang isang lalaki matapos na pagsasaksakin noong Marso 17, ganap na 6:00 ng umaga sa Brgy. Bagong Bayan, El Nido, Palawan.
Kinilala ang biktima na si Jimmy Paredes, 22-anyos, magsasaka at residente ng nabanggit na bayan.
Kinilala naman ang suspek na si Alyas Nando, 48-anyos, at Alyas Ver, 42-anyos – parehong mangingisda at mga residente ng Brgy. Bagong Bayan.
Ayon sa Palawan Police Provincial Office (PPO), pasado 6:15 ng umaga nang makatanggap ang EL Nido Municipal Police Station (MPS) ng tawag mula sa kapitan ng Barangay Bagong Bayan at ipinagpaalam ang insidente.
Sa imbestigasyon lumalabas na habang nanunuod ng isang paligsahan ang suspek na si Alyas Ver sa Brgy. Plaza noong madaling araw bago ang panananaksak ay nagkaroon umano ng pagtatalo mula kay Paredes at sa kapatid nito. Nauwi umano ito sa sampalan na agad namang pinigilan ng kapitan ng barangay.
Nang makauwi ang suspek sa bahay nito ay pinuntahan umano ito ng biktima at ng kapatid at nanghamon ng gulo. Lumabas umano ang suspek na si Alyas Ver sa bahay nito at kinompronta ang biktima na nauwi sa gulo. Doon na umano tumulong ang kapatid ng suspek na si Alyas Nando at pinagsasaksak ang biktima na si Paredes.
Bilang resulta, nagtamo ang biktima ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na dinala naman sa El Nido Community Hospital sa Brgy. Pasadeña ngunit idineklara ring patay ng sumuring doctor.
Kaugnay nito, nasa pangangalaga na ng El Nido MPS ang suspek at ihaharap sa korte para sa tamang disposisyon.
Discussion about this post