Pinatawan ng korte ng limang taong pagkakabilanggo at multang P5,000 bawat isa ang 10 Chinese nationals dahil sa ilegal nilang pagpasok sa Lungsod ng Puerto Princesa noong Hulyo 2020.
Sa impormasyong nakalap ng Palawan Daily News, ibinaba ni RTC Branch 51 Presiding Judge Ambrosio de Luna ang nasabing desisyon noon pang Nobyembre 6. Kasama naman sa desisyon ng hukuman na kung nabayaran na ng buo ng mga nahatulan ang kanilang multa ay mababawi nila ang nakumpiskang yate na sinakyan nila sa pagpasok sa lungsod.
Nilabag ng nasabing mga Tsino ang Section 46 ng Commonwealth Act 613 o ang “Philippine Immigration Act of 1940.” Nakapaloob sa nabanggit na batas ang pagkokontrol at pagre-regulate sa pagpasok ng mga banyaga sa Pilipinas.
Ang nasabing 10 Chinese nationals na nakarating sa Brgy. Concepcion sakay sa isang personal motor yacht (PY) “Chapts” mula sa Shēnzhèn City, Guǎngdōng Province, China ay sina: Yuan Sen Xu, 21 taong gulang; XiaoGiang Luo, 34 anyos; Zhen Qi Chen, 65; Wei Zhou , 35; Liujing Chang, 27; Jian Hui Zhao, 37; Hua Wei Lin, 27; Zhou Jin Zhao, 37; Dengkang Zhang, 44; at Shui Sheng Lou, 35.
Naiulat noon ng mga kinauukulan na tanging apat lamang sa naturang foreign nationals ang mayroong passport, at ang may-ari lamang ng yate na si Dengkang Zhang ang may special resident retirees visa bagama’t hindi pa rin pinapayagan ang pagpasok sa lungsod sa panahong iyon.
Binanggit naman noon ng kinatawan ng Bureau of Immigration and Deportation na kapag naipataw at natapos na ng nasabing Chinese nationals ang iginawad na kaparusahan at nakapagbayad na sila ng multa ay agad silang ide-deport pabalik sa China.
Samantala, dahil nagpiyansa habang dinidinig pa noon ang kanilang kaso, pansamantalang nakalaya ang mga Tsino noong Oktubre 14, 2020 matapos na-commit sa BJMP-Puerto Princesa City Jail noong Setyembre 23, 2020.
Discussion about this post