Dumating na ngayong linggo ang sampung rescue vehicles na ipagkakaloob sa sampung malalayong barangay sa bayan ng Roxas, Palawan, habang nakatakdang dumating din sa susunod na linggo ang sea ambulances para naman sa mga isla sa naturang bayan.
Ayon kay Mayor Pedy Sabando, ang mga Mitsubishi pick-up trucks na gagamitin bilang rescue vehicles ay unang ipamamahagi sa mga barangay na malalayo sa sentro tulad ng Bagong Bayan at Tinitian upang magamit sa oras ng sakuna at iba pang emergencies.
“Ibibigay po natin yung mga yunit na yan sa mga barangay natin na malalayo sa bayan, like Bagong Bayan, Tinitian…sila yung higit na nangangailangan ng ganitong tulong,” pahayag niya sa isang interbyu.
Target umano na mabigyan ang natitirang labing siyam (19) na barangay sa Roxas pagsapit ng taong 2028. Sa susunod na taon ay sampung rescue vehicle din ang kukunin ng pamahalaang bayan upang ipagkaloob sa mga susunod na batch.
“So, sampung barangay ang una nating mabibigyan una niyan, 29 barangays ‘yung mayro’n dito sa mainland. So, mayro’n pa tayong 19 na barangays. Ngayong taon, sampu ito, next year another ten (10) [na] ibibigay natin sa iba pang barangay ulit and then 2028—siyam. Kompleto na po yun lahat ng barangay na mayro’n tayo,” saad pa niya.
Bukod dito, tatlong sea ambulance units din ang darating ngayong buwan na ipagkakaloob naman sa mga isla tulad ng Green Island at Johnson Island upang kanilang magamit sa panahon ng emergency at kung may pasyenteng kinakailangan dalhin sa bayan.
Ayon pa sa alkalde, proyekto umano ito ng mga Roxaseño na mula sa kanilang ibinabayad na buwis at ibinabalik niya lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang serbisyo at mga programang makakatulong sa pag-unlad ng bayan ng Roxas.
“Lahat po ng ito ay hindi sa akin, ito po ay programa at proyekto ng taong bayan. Hindi sa akin as mayor, ito po ay galing sa taong bayan.”
Dagdag pa nito, “Mas gagawin natin na makita nila ‘yung proyekto, makita nila na mayro’n pinupuntahan yung mga tax na binabayad ng ating mga kababayan…”
Samantala, ipagkakaloob naman ito sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng barangay at munisipyo kung saan nakasaad din na dapat ingatan ang nasabing mga sasakyan upang magamit nang pang matagalan.
“Kailangan nilang ingatan yung mga yunit natin kasi kung hindi naman nila ingatan sila rin mawawalan ng gamit. Tayo tumulong na tayo upang ma-address yung kanilang problema sa barangay…” aniya pa ng alkalde.














