Ilang pastor mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang naiulat na nabiktima ng umano’y accommodation scam sa lungsod ng Puerto Princesa bago ang nalalapit na General Assembly ng mga lider ng simbahan.
Si Mark Anthony Vista ang umano’y naningil ng downpayment mula sa ilang pastor para sa booking ng kanilang tutuluyang hotel sa lungsod.
Subalit nang papalit ng dumating ang mga pastor sa Puerto Princesa, nadiskubre nilang walang aktuwal na booking na ginawa sa mga hotel.
Matapos tanggapin ang bayad, hindi na umano muling sumagot sa anumang komunikasyon si Vista.
Kanya-kanyang follow-up ang ginawa ng mga biktima ilang araw bago ang event, ngunit nabigo silang makakuha ng kumpirmasyon o refund.
Sa huli, ilan sa mga pastor ay napilitang maghanap ng ibang matutuluyan, habang ang iba ay hindi na nakadalo sa pagtitipon.
Batay sa mga ulat na nakarating sa Palawan Daily News, ginamit ni Vista ang social media at mga messaging platform upang makipagtransaksyon, at pinangalanan ang sarili bilang accommodation manager para sa mga dadalo sa General Assembly.
Gayunman, kinumpirma ng mga organizer ng nasabing event na hindi bahagi si Vista ng kanilang opisyal na logistics team.
Panawagan ngayon ng mga biktima na mag ingat ang publiko sa pakikipagtransaksiyon kay Vista. Hinihikayat din nila ang iba pang posibleng biktima na lumutang upang hindi na makapanloko pa ang indibidwal.
Sa ilalim ng batas, ang ganitong uri ng panlilinlang ay maaaring saklawin ng kasong estafa, alinsunod sa Revised Penal Code ng Pilipinas. Ang paggamit ng social media upang makapanghikayat ng pera ay itinuturing na aggravating circumstance kung mapatutunayang may intensyon ng panlilinlang.














